
SA kabila pa ng kabi-kabilang pagtutol ng mga dalubhasang ekonomista, itutuloy pa rin ng pamahalaan ang isinusulong na Maharlika Investments Fund (MIF) na popondohan gamit ang salaping malilikom mula sa pagbebenta ng dalawang planta ng enerhiya.
Pag-amin Senate President Juan Miguel Zubiri, partikular na puntirya ng pamahalaan ang dalawang hydroelectric power plants.
Gayunpaman, wala ng ibinigay na karagdagang detalye ang senador. Paglilinaw ni Zubiri, pinag-iisipan pa lang ng mga economic managers ng administrasyon ang kanyang ibinunyag na pagsasapribado ng pasilidad ng pamahalaan.
“Tinitingnan din po nila ang pagkukunan ng pondong ito ay selling of some state assets, and the examples na binigay po nila ay ang pagbebenta ng Caliraya at Pulangi Fort – ito ay mga hydroelectric power plants ng bansa – so they are trying to get the best prices for these hydroelectric power generation facilities, and privatize it, and the fund will be going to the Maharlika Investment Fund,” ani Zubiri.
Pagtitiyak ni Zubiri, magiging mabusisi ang paghihimay ng senado sa panukalang MIF na isinusulong mismo ng Pangulo.