TULUYAN nang masosolo ng bilyonaryong si Enrique Razon ang kontrol sa Manila Water matapos kumpirmahin ng Conglomerate Ayala Corp. ang pagbebenta ng nalalabing 23.6% controlling stake sa Trident Water Company Holdings sa halagang P14.5 bilyon.
Sa isang kasunduan, ipapasa kay Razon ng Michigan Holdings, Inc. at Philwater Holdings Company Inc. na kapwa subsidiary ng Conglomerate Ayala Corp. ang kanilang 577.997 million common shares at 872,487 million preferred shares.
“The transactions are aligned with AC’s strategy to rationalize its portfolio and raise P50 billion in proceeds. The proceeds will be used to pare down debt and/or fund future investments,” saad sa isang bahagi ng disclosure sa Philippine Stock Exchange.
Batay sa pinakahuling pagtataya, nasa P22.361 ang halaga sa stock exchange ng common shares ng Manila Water, habang P1.844 naman para sa preferred shares.
Bukod sa Manila Water, pasok din sa sektor ng enerhiya ang Prime Energy Resources Development na pag-aari ng ikatlong pinakamayamang indibidwal sa Pilipinas.
Siya rin ang pinaniniwalaang bagong may-ari ng isang media company na naglilimbag ng dyaryo at nangangasiwa sa mga online media networks.
Kabilang rin sa malawak na imperyo sa negosyo ni Razon ang dambuhalang International Container Terminal Services at Solaire Resort and Casino.
