Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
AYAW paawat ng isang partylist congressman sa isinusulong na pagsalang ng mga corporate executives ng isang dambuhalang logistics company sa Kamara para bigyang-linaw ang alegasyon hinggil sa reklamo ng mga manggagawa.
Partikular na tinukoy ni Asosasyon Sang Mangunguma Nga Bisaya-Owa Mangunguma (AAMBIS-Owa) partylist Rep. Lex Anthony Cris Colada ang e-commerce giant na Sea Group – ang pinaniniwalaang may-ari ng Shopee Express sa Pilipinas.
Bukod sa labor malpractice, kabilang rin sa target silipin ni Colada ang legalidad sa pagmamay-ari ng Singapore-based na kumpanya sa Shopee Philippines at SPX Philippines Inc. na kapwa nasa ilalim ng Shopee Express.
Sa inihaing House Resolution 1718, hinikayat ni Colada ang mga kapwa mambabatas sa Kamara na magsagawa ng “congressional inquiry, in aid of legislation” sa naturang e-commerce giant dahil sa paglabag sa mga probisyong kalakip ng Labor Code, gayundin sa Anti-Dummy Law.
“With the continues growth of e-commerce in the Philippines, as well as the dominance of a few e-commerce marketplaces controlling a major e-commerce transactions in the country, it is imperative that entities such as Shopee and SPX comply with labor laws and standards protecting the welfare and livelihood of Filipinos,” wika ng partylist solon.
“It is also imperative that these major market-share holders in the e-commerce industry and its adjacent industries like logistics, including entities such as Shopee and SPX, fully-comply with all pertinent laws and regulations in the Philippines related to the incorporation and conduct of their businesses,” hirit pa niya.
Una ng isiniwalat ni Colada ang di umano’y mga pang-aabuso ng SPX sa mga empleyado – kabilang ang one-year delay sa pagbibigay ng sahod at iba pang kompensasyon na nagsilbing hudyat ng welga noong 2021.
Pasok din sa mga reklamong idinulog ng mga empleyado ng mga naturang kumpanya ang kawalan ng social at welfare benefits tulad ng accident at health insurance.
Taong 2022 naman nang sibakin sa trabaho ng Shopee Philippines at SPX ang mga empleyadong kinabibilangan ng mga SPX drivers, sa kabila ng ibinidang expansion sa operasyon ng mga nabanggit na kumpanya sa bansa.
“There has been an alarming increase in the number of labor cases related to and against SPX in the past and current year, including cases that involve labor-only contracting and union busting,” dagdag ni Colada.
Mungkahi pa ng kongresista, padaluhin sa Kamara si Shopee Philippines Chairman Jan Frederick Chiong na may kontrol sa 60% shares ng SPX.
