
ALINSUNOD sa hangarin ng administrasyong Marcos makapang-engganyo ng mas maraming kapitalista sa bansa, naglabas ng bagong panuntunan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa proseso ng pagkuha ng Value Added Tax (VAT) refund.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., layon din ng bagong polisiya isakatuparan ang reporma batay sa mga probisyon ng Republic Act 12055 o ang CREATE More Act.
Sa pamamagitan aniya ng RA 12066, inamyendahan ang National Internal Revenue Code kung saan bibigyan ng mas malaking tax relief at insentibo ang mga negosyo, higit lalo sa hanay ng mga exporters.
Ayon kay Lumagui, sa pagpapatupad ng revenue code ay naglabas ang BIR ng Revenue Memorandum Circular 37-2025, na nagbabawas sa mga kinakailangang dokumento para sa VAT refund claims.
“Ang layunin nitong in-issue natin na RMC 37-2025 ay para mas padaliin ang pag-claim ng VAT refund dahil marami sa ating mga negosyante ang kinakailangan na mag-refund ng kanilang mga tinatawag na Value Added Tax na binayaran. So, sa ilalim nito, mas pinaikli natin at nagtanggal tayo ng mga iba’t ibang documentary requirements at para mas alinsunod din ‘yon sa pinlanong Ease of Doing Business na layunin ng ating mahal na Pangulo,” pahayag pa niya.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, ang certified true copies ng invoices o resibo ay maaari nang isumite kapalit ng original documents. Ang kopya ng SEC at DTI registration, gayundin ang Import Entry documents naman ay hindi na kailangan.
“For claims involving amortized input VAT on capital goods, prior certifications from the Bureau of Customs may be reused if already submitted in past filings,” dagdag ni Lumagui.
Simula naman noong Abril 1, 2025 ang VAT refund claims ng mga exporter ay hindi na nangangailangan ng pagsusumite ng actual proof of shipment, gaya ng bills of lading at sa halip ay magiging basehan na lamang ng BIR para dito ang certification ng Export Marketing Bureau ng Department of Trade and Industry (DTI).
“So, simula ng taxable period ng April 1 onwards ay hindi na naming ‘yan hihingin. Meron na tayong agreement with the DTI, ‘yong Export Marketing Bureau, na siya naman ang magbibigay ng patunay na talagang nagkaroon ng export. Kasi dati hinihingi naming ‘yan lahat, katulad ng mga bill of lading. Eh, hinihingi naman ‘yan sa mga exporters. Patunay ito na talagang meron kayong binenta at meron kayong talagang in-export,” paliwanag pa ng BIR chief.
Tiiwala si Lumagui na sa mga naturang hakbang makikita ng mga dayuhang mamumuhunan na seryoso ang administrasyong Marcos sa pagpapabuti at pagpapadali ng pagnenegosyo sa bansa at mahihimok silang maglagak ng pamumuhunan dito.