
Ni Edwin Moreno
NAGULANTANG ang mga awtoridad matapos bumaligtad ang dalawang sumukong environment activists.
Anila, sila’y kapwa dinukot at pinuwersang lumagda sa isang dokumentong naglalahad ng kanilang di umano’y pagsuko.
Mismong mga tauhan ng pamahalaan ang nagharap kina environmental activist Jonila Castro at Jhed Tamano sa press conference na inorganisa mismo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Plaridel, Bulacan kamakailan.
“Ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar sakay ng van. Napilitan din kami na sumurrender dahil pinagbantaan yung buhay namin. ‘Yun po ang totoo,” ani Castro ng AKAP Ka Manila Bay isang grupo na tumututol at nagpapatigil sa mga reclamation project sa Manila Bay.
Samantala, inihayag naman ni Tamano, coordinator ng Ecumenical Bishops Forum, na naglalakad sila ni Castro nang bigla silang hablutin.
“May tumigil pong SUV sa harap namin tapos dinukot po kami. Pinilit kami pasamahin sa kanila,” . “Yun din po yung totoo. Akala po namin sindikato pero kilala po nila kami.”
“Hindi rin namin ginusto na mapunta kami sa kustodiya ng mga militar. Hindi rin totoo yung laman ng affidavit dahil ginawa yon, pinirmahan yun sa loob ng kampo ng militar. Wala na kaming magagawa sa mga pagkakataon na yun,” ani Castro
Tasahang namang itinanggi Lt. Col. Ronnel Dela Cruz, commander 70th IB ang nasabing akusasyon.
“Ang pinanghahawakan po namin ngayon kasi pumirma po sila ng kustodiya,” ani Dela Cruz.