
HINDI tulad ng mga panukalang benepisyo sa mga obrero, tatlong linggo lang ang ginugol ng House Committee on Ways and Means para aprubahan ang VAT exemption bill na isinusulong ng Palasyo para sa mga turistang estranghero..
Sa pagdinig ng komiteng pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, inaprubahan na ang technical working group (TWG) report na bigyan ng tax refund ang mga dayuhang turista sa hangaring pasiglahin ang industriya ng turismo.
Enero 29 nang aprubahan ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang programang naglalayon gawaran ng VAT refund ang mga turista. Katwiran ng Pangulo, kailangan makahikayat pa ng mas maraming dayuhang bisita sa bansa.
Sa inaprubahan ng komite, libre sa VAT ang mga dayuhang turista sa bawat P3,000 na gagastusin habang nasa Pilipinas, at maging pamimili ng pasalubong at iba pang iuuwi sa kanilang bansang pinanggalingan.
“I expect between P10 to 40 billion in increased sales from local suppliers. That has the same nature, consequence, and character as exports. And we don’t even have to compete with other exporters. The audience is already captured,” ani Salceda.
Paliwanag ni Salceda, Pilipinas na lang ang hindi nagbibigay ng VAT refund sa mga turista. Para sa naturang kongresista, ito mismo ang dahilan kung bakit hindi makasabay ang Pilipinas sa mga bansang Vietnam at Thailand sa larangan ng turismo.
Sa sandaling mapagtibay ng Kamara at Senado, target ng pamahalaan simulan ang implementasyon pagsapit ng Enero ng susunod na taon.