
SAPAT ang supply ng pagkain sa bansa, pero kontrolado ng mga kartel, hoarders at profiteers kaya nagmumukhang kapos, tahasang pahayag ng grupong Malayang Konsyumer, kasabay ng alegasyon ng sabwatang lumilikha ng tinawag nilang ‘artificial shortage’ sa hangaring diktahan ang bentahan sa merkado.
Ayon sa Malayang Konsyumer, pahirap sa buhay ng mga Pilipino ang kartel, hoarders at profiteers na nagtatago sa ani ng mga lokal na magsasaka at saka ibebenta sa presyong nais nila.
Panawagan ng grupo sa Senado, pagtibayin ang isinusulong na Senate Bill 1688 ni Senador JV Ejercito, na naglalayong amyendahan ang RA 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016).
Ayon kay Atty, Simoun Salinas na tumatayong tagapagsalita ng Malayang Konsyumer, sa ilalim ng SB 1688, itataas ang antas ng economic sabotage – isang kasong walang piyansa – ang hoarding, profiteering, kartel at iba pang pang-aabuso sa merkado ng agri-products.
Sa sandaling maisabatas, mas mabigat na parusa ang garantisadong hatol ng husgado sakaling mapapatunayan ng walang bahid alinlangan ang alegasyon laban sa mga akusado.
Taliwas naman sa suporta ng grupo sa panukala ni Ejercito ang posisyon ng Malayang Konsyumer sa Senate Bill 1812 na binalangkas ni former Sen. Lito Lapid.
Sa SB 1812, target ni Lapid isama ang tabako at cigarette products sa hanay ng mga produktong agrikultura na mahigpit na babantayan sa ilalim ng nasabing batas.
Giit nina Salinas at Malayang Konsyumer Convenor Christian Real, ang mga amyenda sa Anti-Smuggling Law ay naglalayong mapabuti ang pagpapatupad niito, subalit dapat ay nakatuon sa mga pagkakasalang direktang apektado ang mga Pilipinong mamimili.
“Ang panukalang ni Sen. Ejercito ang nagbibigay ng konkretong batayan sa batas. Habang ang panukalang batas ni Sen. Lapid ay may ibang layunin. Di ito makatwiran, hindi napapanahon, at hindi nakakatulong sa mga konsyumer ng pagkain. Ang tabako ay nasa ibang kategorya ng mga non-essential, non-food products na hindi karapat-dapat sa proteksyon ng batas sa ilalim ng RA 10845,” giit pa ni Atty. Salinas.
Paalala naman ni Real, “ang smuggling ng mga pangunahing pagkain ay malaking problema, ngunit hindi ito ang tanging problema na dapat nating atupagin.”
“May supply ka nga, tinatago naman at pinagkakait sa merkado. Hindi nga smuggled ang food items, pero ang mahal naman ng presyo dahil kontrolado ng cartel at ng mga mapagsamantala at ganid na grupo,” pahayag pa niya.
“Kaya’t kailangan nating amyendahan ang batas upang parusahan ang mga iba pang pagkakasala. Habang ginagawa natin ito, huwag nating haluan ng mga kung anu-anong produkto tulad ng tabako at sigarilyo na walang lugar sa RA 10845.”