Ni EDWIN MORENO
SA halip na tiyakin muna ang kaligtasan ng mga mamamayan, seguridad ng Malampaya Natural Gas platform ang tinututukan ng Western Command (Wescom) bilang paghahanda sa sandaling magkaroon ng banta sa naturang pasilidad bunsod ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.
Sa isang pulong balitaan, hayagang sinabi ni Vice Admiral Alberto Carlos, commander ng Wescom, na pinakamahalagang tiyakin ang seguridad ng Malampaya na tinawag niya bilang “energy crown jewel” ng bansa.
Aniya, kailangan ng mas mataas na antas ng seguridad para sa Malampaya kabilang ang pagsasanay sa mga security personnel nito upang makipag tulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, inoorganisa na nila ang joint exercises sa pagitan ng Malampaya security personnel at mga tropa ng Wescom upang mas maging handa sa mga hamon sa seguridad sa hinaharap.
Nakatakda umanong isagawa sa ikalawang sangkapat ng taon ang sabayang pagsasanay para protektahan ang pasilidad ng Malampaya na 80 kilometro hilagang kanluran ng lalawigan ng Palawan.
Para kay Carlos, lubhang mahalaga ang seguridad sa Malampaya kung saan nagmumula ang 20 porsyento ng electricity demand ng malaking bahagi ng bansa.
