SA kabila ng mga agam-agam, nagpahayag ng suporta si Sen. Alan Peter Cayetano sa napipintong ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na inaasahang magbibigay-daan sa mas maluwag ng palitan ng mga produkto at serbisyo sa hanay ng 15 estado.
Paglalarawan ni Cayetano, malaking bentahe ang ratipikasyon ng RCEP – isang kasunduan sa pagitan ng mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasama ang Japan, South Korea, China, New Zealand, at Australia.
Sa ilalim ng RCEP, luluwagan ang pinaiiral na polisiya ng mga kasaping estado sa larangan ng kalakalan kasabay ng mas mababang (kung hindi man libre) ang taripang kalakip sa mga produkto, serbisyo, investment, at e-commerce mula sa labas.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), aabot sa $2 bilyon ang pwedeng kitain pagsapit ng 2030 ng Pilipinas sa sandaling ganap na lagdaan ng Pilipinas ang kasunduan.
Bagama’t naniniwala si Cayetano na makatutulong ang RCEP sa ekonomiya ng Pilipinas, hinimok niya ang mga kapwa mambabatas na samantalahin ang pagkakataon na ipasa at pondohan ang mga capacity-building programs – pati ang mga safety net o mga programang magbibigay ng proteksyon at sasalo sa pangangailangan ng mga apektadong sektor.
“Everytime there is something like this, definitely may benefit, pero definitely may naiiwan [na sektor]. So yung naiiwan, naghahabol later on,” pahayag niya.
“So let’s take advantage na ang Senate President and the Senate Pro-Tempore mismo ang nagpu-push nito (RCEP), nandito ang buong Executive Department, na yung sinasabi nating safety net at capacity-building, isabay na rin natin ipasa,” dagdag pa niya.
Pinuri rin ni Cayetano ang simple subalit komprehensibong ulat ni Zubiri sa harap ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“We like it when you are in full force here, so you are very much welcome,” pahayag ni Cayetano sa mga Kalihim.