
SA hirap ng buhay ngayon ng mga mamamayan, hindi dapat palampasin ang pagsasamantala at katampalasan, ayon kay Albay Rep, Joey Salceda kasabay ng panawagan sa mga kapwa kongresista na imbestigahan ang patuloy na pagtaas sa buwanang singil ng kuryente sa bansa.
Sa pagbubukas ng pagdinig ng tinaguriang Murang Kuryente Super Committee, inihayag ni Salceda ang pagsipa ng “congressional investigation in aid of legislation” pagkatapos ng Christmas break.
Pag-amin ni Salceda, si House Speaker Martin Romualdez umano ang nagpatawag ng imbestigasyon para malaman kung bakit mataas ang presyo ng kuryente sa bansa.
“The most obvious one is the ERC’s (Energy Regulatory Commission) finding of some P206 billion in disallowed public relations, advertising, and other expenses in the 2016-2020 period, when the NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) collected in excess of allowed annual revenues,” sabi ni Salceda.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang inilabas na resulta ng pag-aaral ng ERC. Aniya, napapanahon na para sa naturang ahensya tumbasan ang aksyon sa pag-aaral na isinagawa ng ERC noon pang nakaraang taon.
Panawagan ni Salceda sa distribution sector, ibalik sa mga konsyumer ang sobrang singil, gayundin aniya sa transmission sector na dapat lang magbigay ng refund sa labis na nakolekta.
“Moving forward, the Speaker has also given instructions to study windfall taxes on excessive profits by power sector participants and plow such resources into consumer refunds and Pantawid Kuryente,” dagdag pa ng solon.