
HINDI pa man nagtatagal sa pwesto bilang National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, isang malaking hamon agad ang sumalubong kay Major Gen. Edgar Alan Okubo.
Sa isang eksklusibong panayam, tinukoy ng isang kasador ang nagngangalang ‘Dimple’ na di umano’y nasa likod ng lantarang operasyon ng lotteng sa mga lungsod ng Navotas at Malabon sa gawing hilaga ng National Capital Region.
Ayon sa impormante (na nakiusap itago muna ang pagkakakilanlan), pasok sa kategorya ng ‘untouchable’ si Dimple na aniya’y malapit sa mga alkalde ng mga nabanggit na lungsod.
Bukod kina Navotas Mayor John Rey Tiangco at Malabon Mayor Jeannie Sandoval, kabilang rin sa ipinangangalandakan ni Dimple ang ilang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Northern Police District (NPD) at maging ang mga hepe ng lokal na pulisya sa sa Navotas at Malabon.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit walang nangangahas na buwagin ang operasyon ng sindikatong kontrolado ni Dimple.
“Marami naman talaga ang ayaw sa illegal gambling dito sa amin. Mas malaki ang perwisyo eh. Kaya lang kanino kami magsusumbong? Baka naman kami ang bwelthan ni Dimple… barya lang siguro sa kanya kung gusto niya kami ipatumba.”
Gayunpaman, nabuhayan umano sila ng pag-asa sa pagkakahirang kay Okubo kapalit ni Gen. Jonnel Estomo na itinalagang Deputy PNP Chief for Operations.