Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA laki ng pumasok na negosyo sa nakalipas na dalawang taon, kumbinsido ang mga miyembro ng Kamara na naabot ng administrasyon ang pinakamataas na antas ng tiwala ng mga investor sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Partikular na tinukoy ang P1.7-trillion halaga ng negosyong dala ng local at foreign investors sa bansa na anila’y sapat na batayan para muling mapabilang ang Pilipinas sa talaan ng bansang pasok sa kategorya “ideal business destination.”
Sa pinag-isang pahayag ng mga ranking officials ng Kamara, kumpyansa ang mga kongresista na hindi lang limitado sa negosyo ang bunga ng pagsisikap ng administrasyon.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto ng pagkakaisa at pagkilala sa pagsisikap ng Pangulo sina House Assistant Majority Leaders Amparo Maria “Pammy” Zamora (Taguig City, 2nd District) at Mikaela Angela “Mika” Suansing (Nueva Ecija, 1st District); at House Deputy Majority Leaders Jude Acidre (TINGOG Partylist) at Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District).
Kung pagbabasehan anila ang laki ng pumasok na negosyo, inaasahan ang paglikha ng hindi bababa sa 108,000 bagong trabaho para sa mga Pilipino.
Para kay Zamora, sapat na dahilan ang bunga ng pagsisikap ng Pangulo para manahimik na lang ang kritiko kung rin lang makakatulong sa isinusulong na pag-ahon.
“So siguro isang paraan ito ng Presidente para ipamukha sa kanyang mga bashers na ito ang produkto ng kanyang pagbabyahe at hindi lang ito simpleng pagpapahinga… nagtatrabaho talaga ang ating pamahalaan,” wika ng Taguig City lady solon.
“I think sinabi ito ng Presidente kasi napakaraming pumupuna kapag bumabyahe siya … kung ilan na ba iyong biyahe niya na foreign trips at sino ang kasama niya. pero kita naman natin sa in-announce niya na almost P1.7 trillion in investments ang inani natin sa kanyang mga pagpunta sa mga foreign countries,” dugtong ni Zamora.
Sinang-ayunan naman ito ni Suansing at sinabi pang maituturing din ang Pilipinas bilang “economic superstar” sa international community.
“Makikita din natin na very well-respected ang ating mahal na Presidente sa international community. And really, personally, sobrang bilib po ako sa mga remarkable achievements and the recognition that our President is getting from the international community,” ani Suansing.
“So that really goes to show how much of an economic superstar the Philippines has become in the international community … All of the big businessmen, all of the heads of state, want to have like a one-on-one meeting with our President, with our Speaker. So that’s how well respected we’re becoming,” sambit pa ng Nueva Ecija solon.
Tinukoy ni Suangsing ang ilang economic at investment trips ni Pangulong Marcos, kabilang na ang makasaysayang trilateral meeting kina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida; ang World Economic Forum na idinaos sa Davos, Switzerland at iba pa.
Pagtitiyak ng kongresista, suportado ng Kamara ang mga hakbang at layon ni Marcos – ang palakasin ang pamumuhunan sa bansa.
Sa panig ni Acidre, sinabi niya kung susumahin ang kasalukuyang sitwasyon, malinaw na tuloy-tuloy ang tiwala ng mga negosyante sa estado ng bansa dahil sa pagsisikap ng Pangulo.
“Mas maraming naniniwala, mas maraming nagtitiwala sa ating Presidente. Hindi lang dito sa ating bansa kundi sa pandaigdigang lipunan, the international community. So, we are thankful and happy that the efforts of the President are finally paying off,” sabi pa ni Acidre.
“Ito ay nagpapakita lamang na nasa tamang landas ang ating bansa, nasa tamang track ang ating Presidente. And kami naman sa House, we will continue to support the President and the House leadership sa pag-prepare, sa pag-draft, sa pagpursige sa mga batas at mga legislation na kailangan natin para mas maging handa pa tayo sa mga papasok na investments dito sa ating bansa,” dagdag ng TINGOG partylist representative.
Kumpiyansa naman si Dy na magpapatuloy ang mataas na business investments sa bansa, na malaking tulong para sa sambayanang Pilipino dahil nakapagbibigay ito ng maraming oportunidad at trabaho.
“Ito na po iyong mga fruits of his labor kumbaga. Dahil nakikita naman natin may pledges na tayo or investments, this will equate to more jobs in the country once all these businesses are established, once all these investments are already fully operational,” ani Dy.
“So napakagandang balita po iyan and I believe that this will continue to grow these next few years. Nandito pa lang tayo sa first two years ng ating administration and I strongly believe that in the next few years, we would continue to reap more of these benefits from all these foreign trips and pledges,” wakas na pahayag ng Isabela province congressman.
