
MEXICO, Pampanga — Sinampahan ng pinuno ng samahan ng mga kapitan ng barangay sa Mexico, Pampanga sa Ombudsman si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. dahil sa mga proyektong naigawad sa kumpanyang pag-aari ng mambabatas.
Ayon kay Terrence Napao, kapitan ng Barangay Santo Cristo at pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) ng Mexico, nakipagsabwatan diumano ang kongresista at ilang matataas na opisyales ng Department of Public Works and Highways Region III para masungkit ng construction firm na pag-aari ng pamilya Gonzales ang mga flood mitigating projects sa ikatlong distrito ng lalawigan.
Isinampa ni Napao ang mga kasong kriminal laban sa kongresista kaugnay ng paglabag sa Section 3 (e and h) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at ang Possession of Prohibited Interest by a Public Officer mula sa Artikulo 216 ng Revised Penal Code.
Si Rep. Gonzales ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Pampanga at naitalagang pangalawang pinakamataas na opisyal ng Kongreso matapos patalsikin sa pwesto noong nakaraang Mayo si dating Pangulo at ngayo’y 2nd district Rep. Gloria Arroyo bilang Senior Deputy House Speaker.
Nag-ugat ang mga kasong kriminal laban kay Rep. Gonzales Jr. sa pag-award ng DPWH Region III sa tatlong civil works contracts na nagkakahalaga ng P611,577,718.40 sa A.D. Gonzales Jr. Construction & Trading Co., Inc., isang kumpanyang pag-aari ng pamilyang Gonzales na may tanggapan sa tabi mismo ng bahay ng kongresista sa San Fernando, Pampanga.
“Malinaw na ito ay ‘conflict of interest’ sa serbisyo publiko, at halata naman na ito ay naimanipula upang paboran ang kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Congressman Gonzales, isang kilalala at napakayamang kontratista sa aming lalalwigan at makapangyarihang trapo (tradisyunal na pulitiko),” ani Napao.
Sa complaint-affidavit ni Napao, nakasaad na tatlong civil works projects para sa flood management program sa Pampanga ay napondohan mula sa congressional funds ni Rep. Gonzales at nai-award sa sariling construction firm.
Isinasaad din ng general information sheet mula sa Securities and Exchange Commission na ang mga anak ni Gonzales at kamag-anakan ay mga corporate shareholders, opisyal o dili kaya ay direktor ng ADG firm.
Narehistro ang kumpanya sa SEC noong 1993 at ang kongresista ay nakalista bilang isa sa mga incorporators ng kumpanya na may pag-aaring shares na aabot sa 77 porsyento.
Hanggang nitong 2015, si Gonzales ay ang pangulo ng kumpanya na nagmamay-ari ng 25 porsyentong shares.
Kasama sa kasong kriminal ay ang mga kapamilya ni Gonzales na sina Aurelio Brenz, kasalukuyang konsehal sa lungsod ng San Fernando; Aurelio III; Alyssa Michaela, nakaupong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan; at Aurelio Michaline, kasama si Zenaida Quiambao, isa sa mga direktor ng kumpanya.
“Kung ikaw ay matino at disenteng mamamayan, hindi ba’t nararapat lamang na magkelamo dahil isang senior deputy speaker, isang city councilor at isang bokal (miyembro ng Sangguniang Panlalawigan) na may pag-aari ng isang malaking construction company at ginawang sunud-sunuran ang ilang matataas na opisyal ng DPWH ay napaboran sa daang milyong halaga ng mga kontrata,” pahayag ni Napao.
Banggit pa niya, “Sa ganitong mga proyekto na lagpas kalahating bilyong piso, malaking katangahan na lamang kung hindi mo mararamdaman ang sabwatan sa pagitan ng construction company ni Congressman at ng DPWH.”
Ang apat na opisyal ng DPWH Region III na isinama sa mga kasong kriminal ay sina Roseller Tolentino, regional director; Ignacio Evangelista, chairman ng Bids and Awards Committee; Anna Marie Tayag, BAC Secretariat; at Arthur Santos, BAC vice chairman.
Kabilang sa mga nasabing proyektong pang imprastraktura ay ang pagtatayo ng drainage systems at flood mitigation structures at iba’t-ibang pasilidad sa malalaking river basins at mga pangunahing ilog sa mga bayan ng Mexico, San Fernando at Bacolor.
Nakasaad din sa complaint-affidavit na noong nai-award ang mga proyekto, malinaw na pinaboran ng DPWH regional office ang kumpanya ng kongresista dahil batid naman ng ahensya mula pa noong nag-umpisa ang bidding process na ang ADG Construction Company ay pag-aari ng mga indibidwal na nakaupong opisyal ng gobyerno na ang mga sinasakupang lugar ay kung saan isasagawa ang mga proyekto sa pamamagitan ng countryside development funds na galing sa buwis ng mamamayan.
Ayon pa kay Napao, magkakasunod na nai-award ng DPWH regional office ang tatlong proyekto mula Pebrero 9 hanggang Mayo 25, 2023.
Sa ilalim ng Section 3 ng R.A. 3019, isinasaad dito na “corrupt practices of public officers constitute (e) causing any undue injury to any party, including the Government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official administrative or judicial functions through manifest partiality, evident bad faith or gross inexcusable negligence.”
Sa kahalintulad na seksyon, tinutukoy din na “corrupt practices of public officers constitute (h) directly or indirectly having financing or pecuniary interest in any business, contract or transaction in connection with which he intervenes or takes part in his official capacity, or in which he is prohibited by the Constitution or by any law from having interest.”
Sa kabilang banda naman, ang Artikulo 216 ng Revised Penal Code o ang krimen ng Possession of Prohibited Interest by a Public Officer ay tumutukoy sa “public officer who directly or indirectly shall become interested in any contract or business in which it is his official duty to intervene.”
Dagdag pa ni Napao na mayorya sa mga kapitan ng mga barangay sa Mexico ay nagpahayag ng kanilang buong suporta sa kaniyang pagsampa ng kaso laban sa kongresista.
Mayroon din plano sina Napao na idulog kay Rep. Arroyo ang kanilang reklamo at hilingin na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa Kongreso hinggil dito.