SA loob ng mahabang panahon, sandigan ng integridad ang hanay ng mga guro. Ito rin ang dahilan kung bakit sila ang inatasan mangasiwa ng halalan.
Pero sa Ligao City sa lalawigan ng Albay, usap-usapan ang hayagang pangangampanya ng division superintendent at school principal para sa isang kandidato para sa posisyon ng mayor.
Partikular na tinukoy ng ating impormante sina Nympha Guemo na tumatayong schools division superintendent ng SDO Ligao City at ang principal ng Barayong Elementary School na si Crisencia Rico.
Pero teka, hindi nga ba’t may direktiba ang Department of Education (DepEd) at Civil Service Commission (CSC) tungkol sa pangangampanya?
Alinsunod sa DepEd Memorandum Circular 48 (series of 2018), mahigpit na ipinagbabawal sa hanay ng mga DepEd officials, school principals at mga guro ang pangangampanya para sa mga kandidato.
Mas mabigat na kastigo naman ang ikinasa ng CSC sa mga matigas ang ulo — tatanggalin sa trabaho babawian ng lisensya sa pagtuturo, bukod pa sa patong-patong na administrative case. Nakupu… pati retirement benefits kanselado!
But wait there’s more. Magsasampa rin ng kasong electioneering sa husgado ang Comelec. Pag nagkataon, makukulong pa sila.
Hindi naman siguro mangmang sina Guemo at Rico. Alam naman nilang bawal sila makilahok o pumanig sa sinumang politiko — lokal man o nasyunal.
Ang siste, hayagang umano ang kanilang panghihikayat sa mga kapwa nila titser na kabilang pa man din sa mga magsisilbing board of canvasser sa nalalapit na halalan.
Sa mga kagalang-galang na Kalihim ng DepEd at Department of Interior and Local Government (DILG), kay Comelec chairman George Garcia, gayundin sa CSC, sa Philippine National Police (PNP), baka naman pwede niyo silipin ang impormastyon na aming nakalap mula mismo sa isang gurong binabarako ng dalawang tuta ng trapo sa naturang lungsod.
Ang tanong, sinong trapo ang nasa likod ni Guemo at Rico? Pahabol na tanong — magkano?
