PINAGHALONG kirot at init sa bumbunan ang iniinda ngayon ni Calabarzon Regional Police chief Brig. Gen. Kenneth Lucas na walang kamalay-malay sa mga ginagawa ng isang alyas Jack ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Dangan naman kasi, kalakad ni Jack ang pangalan ni General Lucas sa paglikom ng lingguhang tara mula sa mga operators ng mga ilegal na pasugalan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Quezon at Rizal.
Timbre ng mga impormante ng Kalawit, tumataginting na isang milyon ang sapilitang kinubra ni Jack mula sa mga ilegalista sa loob lang ng isang linggo. Wow, ang husay!
Ang totoo, hindi ganun kadali mauto ang mga illegal gambling operator lalo pa’t sadya naman may nakalaan silang pondo para sa proteksyon ng kanilang negosyo. Sa madaling salita, ang isang milyong kinalabit ni Jack ay bukod pa sa lingguhang tara para sa pulisya.
Kung hindi ako nagkakamali, bahagi ng talumpating binigkas ni General Lucas sa kanyang pagkakahirang bilang regional police chief ng Calabarzon ang “no take policy” para sa lahat ng lugar na sakop ng kanyang teritoryo.
Susmaryosep! Nangangahulugan bang binabalewala ni Jack ang direktiba ng matikas na heneral?
Sa kabatiran ni Gen. Lucas, nasa loob ng PNP ang damuhong si Jack.
But wait, there’s more. Hindi lang pala si Jack ang gumagamit sa pangalan ni Gen. Lucas – pati ang isang alyas Richard na nagpakilalang bodyguard at designated bagman ni Cavite Provincial Police Office Director Col. Eleuterio Ricardo Jr.
Pagmamalaki pa ni Richard, hindi lang siya basta kolektor ni Col. Ricardo. Bukod sa bodyguard, kasosyo rin di umano siya ng provincial director sa isang security agency.
Sa aking pagtatanong, matikas pala ang dating ni Richard. Hawak niya sa leeg ang mga operator ng iba’t ibang ilegal na sugal sa buong lalawigan.
Kabilang sa may basbas ni Richard ang pwesto pijo, sakla at pergalan ni Francis sa Alfonso, Cavite. Ang hindi lang sigurado kung nababahagian ng biyaya ni Richard si Alfonso PNP chief Major Robert Dimapilis.
Tinutukuran din di umano ni Richard ang pwesto pijo at saklaan ni Aileen, Jenel Francisco at isang kapitalistang bodyguard ni Justice Secretary Boying Remulla sa Indang, Cavite.
Wala rin lusot sa sinop ni Richard ang bookies nina Nita Kabayo at Jun Toto sa iba’t ibang lokalidad ng Cavite. Oops, sa Barangay Sta. Maria, Dasmariñas City nga pala ginaganap ang bolahan ng bookies nila.
Bukod sa kay Col. Ricardo, pasok din sa talaan ng lingguhang ipinangingilak ni Richard ang isang nagngangalang Apollo, Lt. Col. Marlon Solero na dating hepe ng Naic, Deputy Provincial Director for Administration Lt. Col. Naganag, at Deputy Provincial Director for Operation Lt. Col. Oruga.
Bukol din ang inaabot kay Richard linggo-linggo ang isang Lt. Col. Cruzada ng Provincial Special Operation Group (PSOG) at Provincial Special Operation Unit (PSOU).
Pagyayabang pa di umano ni Richard, hindi siya apektado sa pagsisiwalat ng mga peryodista dahil protektado na aniya sila ng isang Batuigas!
Teka, sino ba ang tinutukoy niyang peryodista? Si Ruther Batuigas ba? Aysus, matagal nang pumanaw yun.
Karagdagang Balita
ELEKSYON SA TATE: MAY MAPAPALA BA SI JUAN?
PABIBONG KALBO PINAHAMAK LANG ANG DATING PANGULO
TAPOS NA ANG BOKSING