Ni Edwin Moreno
BAGUIO City – Kasabay ng idinaraos na 69th Annual National Mine Safety and Environment Conference (ANMSEC), nanindigan ang Philippine Mine Safety and Environment Association (PMSEA) laban sa mapaminsalang paraan ng pagmimina.
Ayon kay Engineer Louie Sarmiento na tumatayong presidente ng PMSEA, kabilang sa mga inaasahang pagtitibayin sa naturang pagtitipon na Camp John Hay Trade and Cultural Center ang tugon sa hamon ng makabagong panahon – partikular sa usapin ng kaligtasan ng mga minero, balanse sa kalikasan, tulong sa komunidad, at ang aniyang ambag ng sektor sa ekonomiya ng bansa.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng kahandaan ang mga kasapi ng PMSEA na isulong ang katuparan sa tema ng pagtitipon ngayong taon – “Mining 4.0: Safer, Smarter and Sustainable.”
“PMSEA stands by its ideals embarking on the promotion and honest-to-goodness, implementation of occupational safety, health, environmental management and social responsibility,” saad sa isang bahagi ng kalatas na ipinamahagi sa mga dumalong sektor, kabilang ang hanay ng mga mamamahayag.
Layon ng 69th ANMSEC ibahagi ang tinawag nilang “mining’s best practices,” gayundin ang panatang tiyakin ang kaligtasan sa mga pook minahan upang maiwasan ang pinsala sa kalikasan.
“In a gist, we in PMSEA along with the mining-related industry, are committed to uphold reason for which PMSEA was formed – balancing the mining business with social responsibility. We are here to ensure that we don’t go less than safe, smart and sustainable mining practice.”