HINDI maikakaila sa mga nagdaang panahon na puntirya ng mga developer ang Manila Central Post Office (MCPO) na nasa pusod ng Maynila — tanaw mata ang Chinatown at katabi ng makasaysayang Pasig River.
Sa panahon lamang ni yumaong dating Pangulo Noynoy Aquino, hindi naging kontrobersyal ang MCPO dahil may pagpapahalaga ang kanyang administrasyon sa kultura at sining.
Taong 1926 nang itayo ang MCPO na nanatiling nakatindig sa kabila pa ng digmaan at mga kalamidad na bumayo sa kabisera.
Pero sa isang iglap, natupok ang pamosong gusali.
Kitang-kita sa mga kumalat na larawan sa social media ang tila walang pag-aatubili ng mga bumbero sa pag-apula ng apoy na unti-unting tumupok sa marupok na pundasyon ng MCPO. Nakahilera sila sa labas ng gusali, nakatutok sa gusali.
Tila wala silang pakialam na unti-unting nasusunog ang isang bahagi ng ating kasaysayan na naging saksi sa maraming pangyayari kabilang ang giyera. Hindi nila alintana ang unti-unting pagkasira ng pundasyon nagsilbing muon ng ating sining sa larangan ng arkitektura.
Kahit kailan, hindi na maibabalik ang nakamamanghang gusaling pinaniniwalaang sadyang sinunog batay sa planong hangad pagbigyan ang luho ng oligarko at ganansya sa mga tiwaling taong-gobyerno.
Dapat malaman ang pinagmulan ng sunog, hindi sapat ang faulty electrical wiring o sumabog na imbak ng gasolina sa tabi ng bundok ng sulat na hindi naihatid. Kailangan ang forensic analysis kung bakit nagsimula ang sunog at ano ang na-trigger dito upang kaagad lumawak at gumapang ang apoy.
Sa akin, may unseen hands na nasa likod ng sunog. Hindi ito katulad ng dambuhalang bodega sa Divisoria na nasunog dahil nalulugi ang may-ari. Hindi ito katulad ng ilang beses na pagkasunog ng iskuwater area sa kanto ng Oroquieta at Recto sa Maynila na puntirya ng pamilyang nagmamay-ari ng mahabang talaan ng mga malls sa bansa.
Bago pa man ang insidente, usap-usapan na ang pagtatayo ng hotel sa lupang kinatitirikan ng sinunog na gusali.
Sa ganang akin, walang puso ang may pakana ng sunog sa MCPO – sa ngalan sa pera.
Isa lang ang malinaw. Walang pagpapahalaga ang pamahalaan ang sining at kasaysayang kalakip ng sinunog na gusali.
Kung pagbabatayan ang pahayag ni Senador Alan Peter “Compañero” Cayetano – tama siya! Napapanahon nang gisingin ang diwa ng tulog na gobyernong walang malasakit sa sining at kasaysayan.
Giit ni Cayetano, imbestigahan ang insidente.
“The State should make use of this unfortunate event as a learning opportunity on how buildings of cultural, artistic, and historical significance to the Philippines should be better taken care of as it is important that future tragedies of this scale be prevented,” saad sa Senate Resolution No. 635 inihain ni Cayetano.
Nakakalungkot na isipin natupok ang nakakamanghang gusali sa gitna ng pagdiriwang ng National Heritage Month.
Biniyayaan tayo ng Diyos, ayon kay Cayetano, ng “rich history, great heritage, and a roster of creative artists” at ang bansa ay tahanan ng iba pang mga lumang gusali, simbahan, at mahusay na mga gawa ng sining na hindi na napapalitan o magagawang muli kung wala na.
Kabilang sa mahahalagang gusali ang na dapat bantayan, aniya, ang San Agustin Church, National Museum, at Malacañang dahil karamihan sa mga istrukturang ito ay naglalaman ng mahahalagang painting, sculpture, at iba pa.
“As we saw in the post office fire, we need to ask how equipped and prepared the Philippine government is for proper management and protection of its national heritage buildings and artifacts, especially with the minimal funds being allocated for its care and custody and the meager salaries given its custodians,” aniya.
Abangan ang paliwanag ng Bureau of Fire Protection, Manila City government, National Historical Institute of the Philippines at iba pang ahensyang may kinalaman sa kultura.