SA halagang P500, pwede na muling makapambiktima ang mga sindikatong gumagamit ng telepono sa panloloko.
Ito ang bulalas ng isang impormanteng kasama ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Makati kung saan nakabase ang isang grupong nagbebenta ng pre-registered SIM cards.
Timbog sa kinasang buy-bust operation sina Elvies Basilio at Jomar Colinares na kapwa empleyado ng Hapson Technology, habang arestado naman sa follow-up operation sa tanggapan ng naturang kumpanya sa Barangay Bangkal ang isang Frankenstein David Santiago.
Nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 11934 (SIM Card Registration Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) sina Basilio at Colinares habang obstruction naman ang isasampa laban sa Santiago matapos magwala at pigilan ang mga operatibang pumasok sa tanggapan ng Hapson Technology.
Sa imbentaryo, narekober mula sa mga suspek ang 40 prepaid Globe SIM cards, 37 prepaid Smart SIM cards, P100,000 buy-bust money at isang van na gamit ng naturang grupo sa mga transaksyon.
Buwan ng Oktubre ng nakalipas na taon nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang RA 11934 sa hangarin tuldukan ang panloloko ng mga sindikato gamit ang SIM cards.
Sa ilalim ng naturang batas, obligado ang lahat na magparehistro ng mga ginagamit na SIM cards bago pa man tuluyang sumapit ang itinakdang petsa ng deadline – Abril 27.