HINDI pa man nagsisimula ang takdang panahon ng kampanya, tila agresibo ang ang pulitika sa lungsod ng Pasig kung saan ako nagmula. Dangan naman kasi, masyado ng mainit ang klima ng pulitika.
Kamakailan lang, naglabas ng pasabog si former Pasig City Councilor Atty. Christian Sia tungkol sa bonggang ganansya ng isang empleyado ng pamahalaang lungsod. Partikular na tinukoy ni Atty. Sia ang empleyadong nagngangalang Maurice Mikkelsen Philippe Camposano, isang executive assistant as Office of the City Administrator.
Ayon sa dating konsehal, may troll farm si Pasig City Mayor Vico Sotto. Ang totoo, hindi na bago ang pagkakaroon ng troll farm sa hanay ng mga politiko. Pero ang nakakagulat ay ang bonggang ganansyang di umano’y tinatanggap kada buwan ni Maurice Mikkelsen Philippe Camposano.
Sa isang banda, dapat lang naman tumbasan ang kakaibang serbisyo ni Camposano na kilala sa mundo ng social media bilang isang troll operator na ang tanging misyon — gibain sinumang banta sa poder ni Vico.
Ayon kay Sia, 2019 pa nasa bakuran ni Vico si Camposano. Eh ano naman kung magtrabaho si Camposano kay Mayor Vico? Ang sagot — tumataginting na P1.74 milyon kada buwan para sa isang content moderator?
Susmaryosep! Ang pangulo nga ng bansa P423,723 lang monthly salary pero ang ganansya ng Camponaso P1.74 milyon kada buwan? Ano ba ang meron kay Camposano?
Ang sagot ulit — kaya niyang gumiba sa sinumang banta sa landas ni Mayor Vico na ang ambisyon ay maging pangulo ng bansa.
Sa ganang akin, dapat maging bukas (transparent) ang alkaldeng higit na kilala sa kanyang idealismo. Tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Vico noong bago pa lang sa kanyang pwesto: Ang tama ay tama, at ang mali ay mali.
Hindi nga ba’t panay ang bira niya sa troll farms sa social media? Anyare Mayor Vico?
Sa gitna ng nabunyag na troll farm sa loob pa mismo ng city hall, dapat personal na magpaliwanag si Camposano. Ang problema nga lang, baka hindi siya payagan ng kanyang amo.
Ang masaklap, baka bigla na lang natin mabalitaan na nag resign na pala ang damuho para iwas-indulto. Hay naku, galawang trapo!
Ganunpaman, obligasyon ni Mayor Vico magbigay-linaw sa alegasyon na meron siyang sariling troll farm na nasa loob mismo ng city hall. Kung nasa loob ng city hall ang troll farm, nangangahulugan lang na sa buwis ng mga Pasigueño nagmula ang kanilang sweldo.
“It’s a case of the pot calling the kettle black. Sotto is becoming an expert in political gaslighting,” ani Atty. Sia sa isang balitang nabasa ko sa peryodiko.
