SA gitna ng patuloy na pagninilay-nilay ng Palasyo, marami ang nagtatanong kung bakit hindi pa rin nalalaglag sa pwesto si Health Secretary Ted Herbosa sa kabila ng santambak na bulilyaso sa kagawaran
Ayon mismo kay Executive Secretary Lucas Bersamin, patuloy ang isinasagawang “performance evaluation” sa hanay ng mga Kalihim ng iba’t ibang departamento. Gayundin ang tinuran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Katunayan, mismong ang Pangulo na ang nagsabing hindi pa tapos ang balasahan sa gobyerno.
Kabilang sa mga unang sinibak ni Marcos si former Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang dahilan — madalas na pagbiyahe sa labas ng bansa.
Pero teka, bakit si Yulo-Loyzaga lang ang ba may ganyang isyu?
Ang totoo, hindi lang ang dating DENR Secretary ang sagana sa biyahe. Sa datos na nakalap ng tanggapan ni Senador Joel Villanueva, 19 na ulit bumiyahe si Herbosa sa iba’t ibang panig ng mundo mula nang italaga ni Marcos bilang Kalihim ng Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga naturang biyahe ang pagdalo ni Herbosa sa 78th World Health Assembly (WHA) sa Geneva, Switzerland, kasama ang santambak na amuyong na kung tutuusin ay dagdag-gastos lang sa gobyerno. Take note, si Herbosa lang ang imbitado pero ang buong “delegasyon” sagot ng gobyerno — mula sa pamasahero, bayad sa panuluyan (hotel) pagkain at iba pa.
Ang lubos na nakapagtataka, pareho lang naman ang bulilyaso ng dalawang Kalihim pero sadya nga yatang mabangis ang sinasandalan ni Herbosa. Kung tutuusin, hindi hamak na mas maganda ang rekord ni Yulo-Loyzaga kumpara kay Herbosa. Kung meron man karapat-dapat manatili sa gabinete, si Yulo-Loyzaga yun.
But wait, there’s more. Hindi lang biyahe ang bulilyasong ipinupukol kay Herbosa.
Buwan ng Marso nang sumingaw ang isang larawan ni Herbosa kasama ang mga opisyales ng Philip Morris Fortune Tobacco Co. (PMFTC), ang pinakamalaking kumpanyang gumagawa, nagpapakalat at nagbebenta ng nakamamatay na sigarilyo.
Sa isang kalatas, hayagang kinastigo ni Dr. Ulysses Dorotheo na tumatayong executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA) si Herbosa.
Para kay Dr. Dorotheo, masahol pa sa pagka-ipkrito ng PMFTC na nagbibigay ng libreng mobile clinic habang unti-unting pinapatay ng binebentang sigarilyo ang mga mamamayan, ang kawalan ng integridad ni Herbosa.
Hindi rin nakalusot si Herbosa kay Dr. Tony Leachon na higit na kilala sa adbokasiya sa kalusugan ng mga mamamayan.
Para kay Leachon, malinaw na kawalan ng delikadesa ang patuloy na pagkapit sa pwesto ni Herbosa sa kabila ng kabiguan tugunan ang santambak na problema sa larangan ng kalusugan.
Abangan ang kasunod.
