
TALIWAS sa paniwala ng marami, hindi pa tapos ang gitgitan sa posisyong kalakip ng katatapos lang na halalan sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa.
Katunayan, tila mas uminit pa ang tensyon sa kasunod na yugto – ang pagpili ng federation president na siyang kakatawan sa barangay at SK sa konseho.
Sa Quezon City, umarangkada na ang brasuhan at barakuhan sa pagpili ng susunod na SK Federation president. Dangan naman kasi, may mga nakaupo at dating konsehal na nagdidikta sa mga lider kabataan kung sino ang dapat maupong SK Federation president.
Kaladkad pa sa pagbabanta ng mga kumag ang pangalan ng butihing alkalde ng lungsod. Pagtatapat ng isang SK chairman sa District 4 ng lungsod, ginigipit daw sila ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod na tawagin natin sa pangalang Konsi Uno. Pasok din sa barakuhan ang tatlong iba pa – ang dating konsehal na itago natin sa alyas na Konsi Dos at ang amuyong na empleyado ng city hall.
Pati ang dalawang opisyales sa city hall, nakikisawsaw na rin sa demokratikong prosesong dapat sana’y limitado lamang sa hanay ng mga bagong upong lider-kabataan. May kinalaman kaya ang ambisyong maging konsehal ng anak ng isang department head?
Panakot sa mga SK chairman mula sa 142 barangay, hindi ire-release ang kanilang pondo kung hindi susuportahan ang anak ng QC exec para sa natatanging pwesto sa konseho.
Dekada 90 pa lang, uso na gapangan para sa SK Federation. Bakit nga naman hindi, instant konsehal ang isang SK chairman sa sandaling makuha ang suporta ng mga kapwa lider-kabataan.
Kung tutuusin, hindi dapat nababahiran ng pulitika ang SK. Hindi rin angkop na hubugin ang mga kabataang pag-asa ng kinabukasan sa larangan ng katiwalian at pagiging trapo.
Ano nga ba ang nagtulak sa mga pakialamero para makisawsaw sa pagpili ng SK Federation President?
Isa lang ang malinaw. Ayaw nila masapawan ng ibang bida. O baka naman takot mabisto ang kanilang diskarteng pera-pera.
Kamakailan lang, nagbabala si Comelec chairman George Garcia na sasampahan ng kaso ang mga government officials na nakialam sa idinaos na halalan.
Ang tanong – saklaw ba ng direktiba ni Garcia ang mga dating konsehal? Kung hindi, marahil dapat kumilos ang Department of Interior and Local Government para tuldukan ang ilegal na nakasanayan ng mga politiko at maging ng mga opisyales at empleyado ng gobyerno.