
MATAPOS ang anunsyo hinggil sa P5-milyong gantimpala, mabilis na nadakip sa follow-up operation na ikinasa ng Philippine National Police (PNP) ang tatlo sa anim na salarin sa likod ng pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo nito lang Sabado ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Joric Labrador, Joven Aber at Bejie Rodriguez. Sa tatlong arestado, dalawa ang dating sundalo – sina Labrador at Aber.
Sa ulat ng Negros Oriental Police Provincial Office, arestado sa ‘hot pursuit’ ang mga suspek na inabutan di umano sa in Sitio Punong, Barangay Kansumalig sa bayan ng Bayawan sa mismong araw din na pinaslang si Degamo.
Bago pa man ang pagka-aresto sa mga pinaniniwalaang salarin, nag-alok ng P5-milyong pabuya ang Department of Justice (DOJ) sa ikadarakip ng mga responsable sa anila’y walang saysay na karahasang kumitil sa buhay ng punong lalawigan at limang iba pa.
Ganap na 11:41 ng umaga nang ideklarang wala ng buhay ang punong lalawigan na isinugod sa Silliman University Medical Center sa Dumaguete City matapos pasukin ng anim na suspek ang tahanan ng 56-anyos na biktimang noo’y namamahagi ng tulong sa mga residente na pinamumunuan lalawigan.
Dakong alas 2:00 hapon na parehong araw, narekober ng pulisya sa Barangay Kansumalig ang Mitsubishi Pajero (NQZ-735) at Mitsubishi Montero (YAP-735) na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagtakas.
Sa pagpanaw ng limang iba pang biktima, apat na iba pa ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan.
Kabilang sa nakikitang motibo ng mga kaanak ng gobernador ang hidwaan sa pulitika.
Higit na kilala si Degamo sa kontrobersyal na desisyon ng Commission on Elections kaugnay ng nakaraang halalan noong Mayo ng nakalipas na taon.
Sa naturang halalan, tinalo si Degamo ni Pryde Henry Teves na nakakuha ng 296,897 boto laban sa pinakamalapit niyang katunggaling si Degamo na mayroon lang 277,462 boto para sa posisyon ng gobernador.
Gayunpaman, binaliktad ng Comelec ang resulta ng halalan pabor kay Degamo sa bisa ng petisyon nagsusulong sa diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate sa pangalang Grego Gaudia na gumamit ng pangalang Ruel Degamo bilang alyas.
Pinalitan ni Degamo si Teves na nagsilbing gobernador sa loob lang ng apat na buwan.