TAHIMIK ang kagubatan ng Rizal, pero sa likod ng luntiang tanawin ng Masungi Georeserve, may isang mainit na sigalot na ngayon ay nasa sentro ng pambansang atensyon.
Isang modelo ng matagumpay na conservation effort, ang Masungi ay nasasangkot ngayon sa gusot matapos maglabas ng eviction order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa developer na Blue Star Construction and Development Corp.
Ang dahilan: ang umano’y paglabag sa kasunduan sa lupa.
Mas lumalala ang isyu dahil sa mga ulat ng pananakot at harassment sa Masungi team — mga forest ranger at conservation worker na matagal nang lumalaban sa illegal logging at land grabbing sa lugar.
Dahil dito, nanawagan na ang Masungi Georeserve Foundation kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Anila, kung matutuloy ang pagpapaalis, hindi lang ang kanilang trabaho sa pangangalaga ng kalikasan ang matatapos — pati ang kaligtasan ng kanilang mga tao ay manganganib.
Ang totoong nakataya dito ay ang nananahimik na kagubatan. Kapag nasira ang tiwala at ugnayan ng mga NGO at gobyerno sa mga proyektong gaya ng Masungi, ang talo ay hindi lang organisasyon. Ang tunay na biktima ay ang kalikasan.
Dapat din tandaan na kahit may mga regulasyon at batas na kailangang sundin, ang mga grupo na nagtatanggol sa kalikasan ay dapat bigyan ng proteksyon, hindi takutin. Obligasyon ng gobyerno na tiyaking patas ang proseso, malinaw ang basehan, at walang pinapaboran.
At ngayong lumalawak ang interes ng publiko, pumasok na ang Senado. Nagsagawa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Senador Alan Peter Cayetano. Sa halip na palalain ang bangayan, iginiit ang kahalagahan ng maayos na pag-uusap, malinaw na dokumentasyon, at tamang proseso.
Magandang hakbang ito para mailabas ang mga ebidensya, hindi haka-haka. Sa halip na sa social media magbatuhan ng paratang, mas makabubuti kung sa tamang forum mapag-usapan ang mga isyung ito.
Sa bandang dulo, sana’y hindi maging collateral damage ang kalikasan sa gitna ng bangayang ligal at pampulitika. At higit sa lahat, sana’y mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat unang-unang nagtatanggol sa ating kalikasan.
