ISANG araw matapos mawalan ng bisa ang gun ban na ipinatupad kalakip ng nagdaang halalan, tuluyan nang sumipa ang ikatlong PNP Press Corps Invitational Shootfest na ginanap sa Quezon City.
Kabilang sa mga nagpaunlak sa naturang paligsahan sa pagtudla si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III, na unang nagpamalas ng husay sa larangan ng target shooting.
Bukod sa hepe ng pambansang pulisya, kasama rin sa mga dumalo sina National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson at Executive Director, Atty. Ralph Vincent Calinisan, Quezon City Police District (QCPD) acting Director Col. Glenn Silvio, at mga opisyal ng PNP Press Corps sa pangunguna ni Mar Gabriel na tumatayong pangulo ng organisasyon ng mga mamamahayag na nakabase sa Camp rame.
Sa isang mensahe, tiniyak ni Torre na sa ilalim ng kanyang liderato, patuloy na poprotektahan ang kapakanan ng mga mamamahayag bilang mga tagapagtaguyod ng media security.
Ang naturang shootfest ay isang Level 1 PPSA sanctioned match na may 5 stages, 120 rounds handgun, PCC at tatagal hanggang sa Linggo, Hunyo 15. (EDWIN MORENO)
