HINDI na umabot pang buhay sa pagamutan ang magkapatid matapos madaganan ng malaking tipak ng bato na gumulong mula sa kabundukan sa Montalban, Rizal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, kinilala ang mga biktima sa pangalang Yurilyn at Jessie na kapwa residente ng Sitio Kayrupa, Barangay Wawa sa nabanggit na bayan.
Ayon sa mga saksi, isang malakas na dagundong mula sa kabundukan ang narinig dakong alas 12:00 ng tanghali. Ilang saglit pa, nagsimulang rumagasa pababa ang malalaking tipak ng bato sa direksyon ng Sitio Kayrupa.
Sa tawag ng mga kapitbahay, sumaklolo ang dalawang rescue team na nagsagawa ng retrieval operation. Mabilis na sinugod ang mga biktima sa pagamutan. Gayunpaman, agad din nasawi ang magkapatid bunsod ng matinding pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng pagguho ng malaking bato.
Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa mga residente sa gulod at mabababang lugar na pansamantalang lumikas sa ligtas na lugar.
