
HINDI bababa sa 140 manggagawa ng Wyeth Nutrition Canlubang sa lalawigan ng Laguna ang sinibak sa trabaho sa gitna ng negosasyon sa pagitan ng unyon at pamunuan ng kumpanya.
Giit ng Wyeth Nutrition Canlubang, kinailangan magbawas ng mga empleyado para hindi tuluyang magsara ang kumpanya.
Sa isang pahayag ng mga sinibak na manggagawang miyembro ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union, buwan ng Marso pa magpahiwatig ang Wyeth Nutrition Canlubang sa nakaambang pagbabawas ng mga manggagawa.
Kabilang sa mga nahagip sa anila’y sibakan ang 10 opisyales ng unyon, kasama si Debie Faigmani na tumatayong presidente ng unyon.
Sa 140 empleyadong tinanggalan ng trabaho, 125 ang pasok sa kategorya ng ‘ran-and-file’ habang 14 naman ang bisor.
Hindi na rin anila sila pinahintulutan pumasok sa planta para makipag-usap sa management ng kumpanya.
“Despite workers’ sacrifice to contribute to production and to large profits, we are rewarded with job losses,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng mga manggagawa.
Taong 2014 nang katigan ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang unyon kaugnay ng 20 empleyadong sinibak ng naturang kumpanya.
Nag-aalok naman sa mga empleyadong nagtatrabaho sa Wyeth Nutrition Canlubang sa nakalipas na 20 taon ng separation pay na katumbas ng dalawa’t kalahating buwan sa kada taon ng pananatili sa kanilang kumpanya.
Para sa mga wala pang 20 taon sa Wyeth, separation pay na katumbas ng isa’t kalahating buwan kada taon ang alok ng kumpanya.