KALABOSO ang tatlong lalaking nagpakilalang empleyado ng Commission on Elections (Comelec) matapos ang tangkang “inspeksyon” sa mga automated counting machines (ACM) na nasa isang pampublikong paaralan sa Sta. Cruz, Laguna.
Impormasyong ibinahagi ni Comelec chairman George Garcia, kinumpirma ng opisyal na peke ang ID, gayundin ang sinasabing “authorization” mula sa poll body.
“Kine-claim na sila ay miyembro ng Task Force Kontra Bigay. Una, wala na pong task force, committee na po yun. Tapos pirmado raw ni Commissioner Aimee Ferolino, fake ang document pati logo fake. Nangangahulugan, mga impostor ang mga ito at hindi sila tunay na empleyado ng Comelec,” wika ni Garcia.
Sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, dumating umano ang mga suspek sa Silangan Elementary School sakay ng isang SUV na may Comelec task force sticker.
Bagamat hindi pa aniya tukoy ang motibo ng mga suspek, posibleng sangkot aniya ang mga inarestong indibidwal sa pera-palit-panalo modus na nambibiktima ng mga kandidato.
Buwan ng Marso ng kasalukuyan taon nang dakpin ng mga operatiba ng National Bureau Investigation (NBI) ang isang Chinese national malapit sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros. Narekober sa dayuhan ang isang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher—na karaniwang ginagamit ng mga espiya para mangalap ng mga sensitibong impormasyon.
Dakip din sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kamakailan ang isang pekeng Comelec employee na nag-aalok ng “sure win” sa mga kandidato kapalit ang malaking halaga ng salapi.
Panawagan ng Comelec sa publiko, isuplong ang mga kahina-hinalang aktibidad para sa isang malinis, tapat at mapayapang halalan.
