SA halip na primera-klaseng kahoy ang bitbit, malamig na rehas ang kapit ng anim na kalalakihang huli sa akto ng mga operatiba habang nagtatawid ng mga kahoy mula sa kinalbong kabundukan sa bayan ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan.
Sa ulat ng lokal na pulisya, nakalawit ang mga hindi pinangalanang suspek habang nagpapatrolya sa karagatang sakop ng Barangay Sisiman ang Bataan Maritime Police Station.
Batay sa imbestigasyon, nasabat ng mga operatiba ang hindi bababa sa 1,000 board feet ng Apitong ang nakumpiska sa tangkang pagpupuslit.
Ayon sa ulat, tinangka pa umanong ihulog sa dagat ng mga suspek ang mga kahoy nang makitang paparating ang mga pulis.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa hangarin matukoy at madakip ang utak sa likod ng pagpuputol ng puno at pagpupuslit ng kahoy mula sa kabundukan. (EDWIN MORENO)
