PALAISIPAN sa mga imbestigador ang motibo ng isang 24-anyos na lalaki sa likod ng pagpatay ng matandang mag-asawa sa bayan ng Candelaria, lalawigan ng Quezon.
Sa inisyal na impormasyon ng lokal na pulisya, magbubukas pa lang sana ng tindahan sa Sitio Tubohan, Barangay Buenavista West, sa naturang bayan ang 59-anyos na si alyas Bandido nang dumating ang suspek bitbit ang tubong agad na pinanghataw sa ulo ng biktima.
Ilang sandali pa, pinasok din umano ni alyas Victor ang bahay ng mag-asawa kung saan pinag diskitahan naman ang 58-anyos na si Aling Luz.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, residente ng Padre Garcia, Batangas ang suspek na pansamantalang nakatira sa Candelaria kasama ang kanyang kapatid.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng tricycle at pagkatapos ay lumipat ng bus pagdating sa kabayanan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen habang tinutugis pa ang nakatakas na suspek na nahaharap sa kasong murder. (LILY REYES)
