APAT na araw bago ang takdang araw ng Undas, bantay-sarado na sa may 2,000 tauhan ng Rizal Provincial Police Office ang nasa 83 sementeryo sa 14 na lokalidad sa naturang lalawigan.
Ayon kay Rizal Provincial Police director Col. Feloteo Gonzalgo, sa 83 sementeryo, 26 ang pampubliko, 47 ang naman pribadong himlayan ng mga pumanaw — bukod pa ang pitong columbarium.
Sa pagtataya ng lokal na pulisya, hindi bababa sa 400,000 libong indibidwal ang inaasahang dadalaw sa puntod ng kani-kanilang namayapang mahal sa buhay mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 3.
Aniya, ang deployment ng 2,340 PNP personnel (kasama ang tinatawag na force multipliers) ay naglalayong tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga Rizalenyong dadalaw sa puntod ng namayapang kaanak.
Ayon kay Gonzalo, ilalatag din sa mga sementeryo ang mga police assistance desk at quick response team alinsunod sa PNP operational guidelines
Mahigpit din anyang ipinagbabawal ang pagdadala ng kutsilyo, baril, alak, at malalakas na sound system. Gagamit din aniya ang mga pulis ng megaphone para paalalahanan ang mga dadalaw sa mga bagay na ipinagbabawal sa araw ng Undas.
Dahil sa kakulangan ng mga body warm camera, gagamitin ng mga pulis ang kani-kanilang cellphone para sa mga pagkuha ng ebidensya.
Pagtitiyak ni Gonzalo, hindi bibigyan ng pagkakataon ang mga kriminal na umatake at makagawa ng pagnanakaw o karumal-dumal na krimen sa kabila ng pagiging abala sa nasabing okasyon.
Sa isang pulong kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, tinalakay ang “contingency plan” kung saan bahagi ang emergency response sakaling may lindol o anumang uri ng kalamidad. (EDWIN MORENO)
