SA gitna ng krisis, sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo pa rin naman. Ito ang buod ng mensahe ng Philippine National Police (PNP), kasabay ng garantiya na makakatanggap ng tulong ang 60 tauhan na apektado ng 7.4 magnitude na lindol sa Davao Oriental.
Ito ang tinuran ni PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Randulf Tuaño sa aniya’y napipintong pagbibigay ng tulong sa anyo ng “essential good” at “financial assistance.”
Gayunpaman, nilinaw ni Tuaño na kailangan umano muna ideklara ng mga apektadong pulis ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian para magsilbing batayan sa halaga ng tulong ng pambansang pulisya.
Batay sa datos ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), nasa 60 pulis mula sa Davao Oriental ang apektado ng lindol sampu ng kanilang pamilya.
Sa naturang bilang, 57 ang pasok sa kategorya ng “uniformed personnel” habang tatlo naman ang “non-uniformed.” (EDWIN MORENO)
