
TERESA, Rizal – Mainit na pagtanggap ang salubong ng mga residente sa pagdating ng Pinoy Ako partylist group para sa isang natatanging community outreach mission na naglalayong alalayan ang sektor ng mga maralitang Pilipino.
Bitbit ang mga dalubhasa sa larangan ng medisina, nagsagawa ng libreng konsulta sa Barangay Dalig (na nakakasakop sa Sitio Pantay) ang Pinoy Ako partylist group sa hanay ng mga senior citizens, persons with disability (PWD), mga pamilyang walang kakayahan tustusan ang gastusing kalakip ng check-up sa mga pribadong pagamutan.
Pagkatapos ng libreng check-up, namahagi rin ng gamot ang Pinoy Ako partylist group sa pangunguna ni Atty. Apollo Emas na kabilang sa mga nominado ng partido.
Hindi rin bababa sa 900 residente ng biniyayaan ng ayuda, kasunod ng feeding program para sa mga bata at libreng pananghalian sa iba pang residente ng naturang pamayanan.
Sa isang mensahe, tiniyak ni Emas na isusulong ng Pinoy Ako partylist group ang mga panukalang batas sa paglikha ng mas maraming trabaho para hindi na umasa sa ayuda ng mga politiko.
Isusulong rin aniya ng Pinoy Ako partylist group ang mga programang pangkalusugan para sa lahat at ang pagtataguyod ng mga pamantasan para sa mga katutubo sa kabundukan ng lalawigan.
“Ang edukasyon hindi pribilehiyo yan. Karapatan yan ng bawat mamamayan, taga lungsod ka man o nasa liblib na kabundukan,” wika ni Emas.
Garantiya ng suporta naman ang tugon naman ng mga residente.
“Malaking bagay po sa amin ang pagdalaw ng Pinoy Ako partylist group. Bihira lang kaming puntahan dito ng mga opisyales ng pamahalaan dahil medyo liblib na kami,” wika ng isa sa mga residente. (EDWIN MORENO)