SA hangaring bigyan ng karampatang kaluwagan ang mga negosyanteng patuloy na nagsisikap bumangon sa pagkalugmok na dulot ng pandemya, pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Binangonan ang petsa para sa pagkuha at renewal ng business permits.
Pagtitiyak ni Municipal Administrator Russel Callanta Ynares, katuwang ng mga maliliit na negosyo ang pamahalaang bayan sa sabayang pagkilos tungo sa mas masiglang negosyo at kalakalan.
“Gusto din namin makabawi ang mga maliliit na negosyante sa epekto ng pandemya. Hangga’t maaari, ayaw namin sila pagmultahin kasi nga hindi pa ganap na nakakabangon ang marami sa kanila,” ayon sa lokal na opisyal.
“Business owners who are based in Rizal Province can have a sigh of relief as the municipal government has given them until March 31, this year, to settle their payment for the business permit. “
Sa kalatas ng pamahalaang bayan, ang pagpapalawig ng deadline sa pagkuha at renewal ng business permits batay sa bisa ng resolusyong pinagtibay ng Sangguniang Bayan kamakailan.
Sa ilalim ng SB Resolution 004-2023, meron pa hanggang Marso 31 para sa mga negosyanteng nais kumuha o mag-renew ng business permits. Saklaw rin ng nasabing resolusyon ang prangkisa para sa mga pampasaherong tricycle na bumabyahe sa nasabing bayan.