Ni Romeo Allan Butuyan II
PERSONAL na pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paglulunsad ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program kung saan target bahagian ng tulong pinansyal at bigas ang nasa 335,000 na pamilya sa Metro Manila at dalawang lugar sa lalawigan ng Laguna.
Ani Speaker Romualdez, ang naturang programa ay tugon ng Kamara at DSWD sa hamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumalangkas ng isang programa para matulungan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
“Makasaysayan po ang araw na ito, hindi lamang dito sa Laguna kundi maging sa buong Metro Manila. Ngayong umaga, pormal natin sisimulan ang pinakabagong programa ng ating pamahalaan — ang Cash Assistance and Rice Distribution o CARD program,” ang pahayag pa ng lider ng mahigit 300-member na House of Representatives.
Kanina, mismong si Speaker Romualdez, kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang nanguna sa paglulunsad ng CARD program sa Biñan City, Laguna, kasabay na din ng pagsasagawa ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), na inisyatiba naman ni Pangulong Marcos para sa mga probinsya.
Nabatid na sa nabanggit na lungsod ay mayroong 3,000 CARD beneficiaires habang sa Sta. Rosa City sa nasabi ring lalawigan ay nasa 2,000 naman ang nakinabang sa naturang programa.
Sa Metro Manila, ang CARD program ay inilunsad sa 33 distrito kung saan bawat distrito ay mayroong tig-10,000 maralitang pamilya ang tatanggap ng cash at rice assistance.
Ang mga benepisyaryo na kinabibilangan ng senior citizens, PWDs, solo parents at IPs ay bibigyan ng hindi bababa sa P2,000 halaga ng ayuda, o katumbas ng 25 kilong bigas na nagkakahalaga ng P950 at P1,050 na cash pambili ng iba pang pagkain.
Ang DSWD ang naatasan tumukoy sa mga benepisyaryo kung saan may mga lugar na maaaring umabot ng hanggang P2,500 ang halaga ng tulong.
“Alam natin na buong mundo ang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa global inflation na dala ng mga digmaan sa Middle East. Dahil dito, hindi ganun kadali para sa pamahalaan na mapapababa ang presyo ng bigas dito sa atin sa Pilipinas,” paglalahad pa ni Speaker Romualdez.
“Gayunpaman sinikap nating humanap ng paraan kung paano makakatulong para mapagaan ang buhay ng ating mga kababayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin. Target po natin na mabigyan ang 10,000 benepisyaryo sa bawat distrito,” dugtong niya.