Ni Lily Reyes
PINATAWAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 90 days suspensiyon ang operasyon ng Ceres bus company matapos mahulog sa bangin ang isa nitong bus sa bayan ng Hamtic, Antique noong Martes, kung saan mahigit kumulang sa 20 mga pasahero umano ang namatay.
Ang nasabng suspensiyon ay ipinag utos ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III sa lahat ng bus units ng Ceres bus na bumibiyahe sa lugar gayundin ang agarang imbestigasyon sa aksidente.
“We already issued a 90-day preventive suspension to the entire fleet, meaning to say yung mga bus na nagbabyahe ng rutang ‘yon, 15 sila, nag-issue na agad ng preventive suspension,” ayon kay Guadiz. Kasalukuyang biniberipika at nililinaw ng LTFRB ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring bus accident sa Antique at nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga awtoridad at ahensya para mangalap ng tumpak na impormasyon.
“Ang roadworthiness ay done during the registration but it is incumbent upon the bus company na every time babiyahe ‘yan, sisiguraduhin nila na maayos yung mga bus nila. So that’s what I will be looking into, titingnan namin yung ledger sa terminal kung ano yung kondisyon bago ito umalis, at siyempre, titingnan din natin ang kalagayan ng driver,” dagdag niya.
Maliban dito, nagsimula nang magsagawa ng site inspection ang LTFRB at nakipag-ugnayan na sa insurance company para mabayaran ang mga biktima.
Sinabi rin ni Guadiz na mayroon nang inter-agency team kabilang ang LTFRB, LTO, at Department of Transportation (DOTr) na humahawak sa imbestigasyon. Ayon sa mga ulat, patungo ang bus sa Antique mula sa Iloilo City nang magkaroon ng mechanical failure ang sasakyan, at lumagpas sa permanenteng concrete barrier sa zigzag sa bulubunduking kalsada sa Barangay Igbucagay bago nahulog sa bangin.
Patuloy pa rin ang retrieval operations at isinugod ang mga nasagip na pasahero sa Angel Salazar Memorial General Hospital sa San Jose de Buenavista. Dagdag ng LTFFB chief, tinitingnan na rin nila ang mga report na sa parehong lugar din nahulog ang isang Ceres bus na ikinamatay ng dalawang pasahero ilang taon na ang nakaraan.