INATASAN ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang kanyang Deputy Director General for Administration na imbestigahan ang napaulat hinggil sa special treatment na ibinibigay sa mga Chinese nationals na nakapiit sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.
Gayunpaman, nanindigan si Catapang na ang alegasyon ay bahagi lamang ng demolition job na naglalayong sirain ang kanyang reputasyon dahil sa ipinatutupad na pagbabago sa mga pasilidad na pinangangasiwaan ng kawanihan.
Samantala, kumpiyansa naman si Catapang na hindi magpapaapekto ang Palasyo sa mga aniya’y gawa-gawang kwento. Aniya, mas matimbang ang reporma kanyang isinusulong sa mga kulungan, gayundin ang mga programa para sa mga bilanggo.
Kaugnay nito, itinanggi rin ni Superintendent Correctional Sr. Supt. Roger Boncales na mayroong “condotel” sa loob ng SPPF prison facility. Gayunpaman, inamin ng naturang opisyal na may 34 conjugal rooms nakadisenyo para sa mga dalaw na pamilya. (JULIET PACOT)
