
SA hangarin payapain ang alboroto ng mga residente ng Sibuyan, sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng minahang pinaniniwalaang pag-aari ng pamilya Gatchalian.
Ayon sa DENR – Mimaropa Environment Management Bureau, nakitaan ng mga paglabag sa umiiral na Implementing Rules and Regulations (IRR) ang Altai Philippines Mining Corporation (APMC).
Kabilang sa sinisilip ng naturang kagawaran ang mga paglabag sa Water Code of the Philippines, kawalan ng foreshore lease agreement para sa pantalan, kabiguang kumuha ng Environmental Compliance Certificate at walang pahintulot na pagputol ng mga puno sa islang higit na kilala bilang kanlungan ng kagubatan at pambihirang hayop.
Matapos ilabas ng DENR ang suspension order, agad na pinulong ang mga kinatawan ng kumpanya, mga lokal na opisyal at mga residenteng kontra sa minahan.
“Nakapag release naman ang DENR ng order na… at nakapagpaskil na itigil muna ang operation ng Altai dito. Dahil sa napakaraming biyolasyon,” ani Elizabeth Ibanez mula sa grupong Sibuyanon Against Mining.
Nagkasa na rin ng imbestigasyon si Area Police – Southern Luzon Commander Lt. Gen. Rhoderick Armamento kaugnay ng marahas na pagbuwag sa hanay ng mga nagprotestang residente nitong nakaraang Biyernes – kung may magrereklamo.