TALO na nga, diniskwalipika pa. Ito ang kinahantungan ng isang kandidato para sa posisyon ng congressman sa lalawigan ng Quezon matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec).
Sa desisyon ng Korte Suprema, kinatigan ang hakbang ng Comelec na tanggalin sa talaan ng mga kandidato ang isang nagngangalang Matt Erwin Florido dahil sa vote-buying.
Si Florido ay tumakbo bilang kongresista para sa ikatlong distrito ng Quezon.
Nag-ugat ang kaso matapos isuplong ng isang residente mula sa bayan ng Buenavista ang umano’y pamumudmod ng pera ni Florido sa isang pagtitipon noong Abril 5.
Bukod sa pera, namahagi rin umano si Florido ng libreng pagkain, damit, at libreng transportasyon.
Katwiran ng kandidato, para lamang sa mga campaign volunteers ang pagtitipon — at hindi para sa publiko. Gayunpaman, hindi kinagat ng Korte Suprema ang palusot ng talunang kandidato.
“Although Florido ultimately lost in the 2025 elections, the SC still resolved the case to remove any doubts about the legality of the COMELEC’s decision,” pahayag ng Korte.
