PATONG-patong na kasong murder ang inihain sa Department of Justice (DOJ) ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Negros Oriental Arnie Teves kaugnay ng mga pamamaslang noong 2019.
Bukod kay Teves, pasok din sa tatlong kaso ng pagpatay ang mga suspek na nasa kustodiya ng PNP kaugnay naman ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam pang iba nito lamang nakaraang linggo.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, mismong ang mga salarin sa likod ng mga naturang pagpatay ang nagturo sa kongresista na di umano’y nag-utos sa kanila.
“Na inutusan sila mismo. They were summoned by, allegedly they were summoned by Congressman Teves, gave them the instructions to assassinate these victims at marami pa silang detalye na sinabi,” ani Baligod sa isang panayam.
“So nung tinanong ko nga kung ano yung ginamit na baril, anong oras, ano ang damit nung victim, nasasagot nila. So I was convinced of the credibility of these witnesses. That’s why I helped the families file the complaint with the CIDG,” dagdag pa ng abogado.
Ayon kay Baligod, umamin na ang mga suspek na pawang kalaban sa pulitika ang 12 kataong unang pinatutumba sa kanila ng kongresista.
“Ang sinasabi ng mga ito ay dahil kalaban sa politika. Especially si dating board member Miguel Dumog. Sinasabi nila na nagkaroon kasi ng survey doon kung sino yung pwedeng lumaban kay Mr. Teves at lumabas ang pangalan ni Miguel Dumog na popular siya doon,” ani Baligod.
Paniwala ni Baligod, matibay ang testimonya ng mga aminadong birador lalo pa aniya’t pawang tauhan ni Teves ang mga nagbigay ng salaysay – kabilang ang isang nagsilbing bodyguard ni Teves sa loob ng 12 taon.
“So empleyado sila but at the same time kung may ipapa trabaho sila, bibigyan sila ng pera. At binanggit naman nila kung sino yung nagbibigay ng pera sa kanila.”
Nang tanungin niya umano ang mga suspek, binibigyan di umano sila ng paunang bayad na P50,000 sa kada pa-trabaho ng kongresista.
“Iba iba po eh. Depende sa location, kung gaano kalayo yung target, pero doon sa isang binanggit nila binigyan sila ng P50,000 para sa operating expenses nila,” aniya pa.
Paglilinaw ni Baligod, hindi pa kasama sa mga isinampang kaso kay Teves ang pagpatay kay Negros Oriental Roel Degamo.
Usap-usapan ang alitan sa pagitan ni Teves at ng yumaong gobernador matapos matanggal sa pwesto ang kapatid ng kongresista bunsod ng desisyon ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng nakaraang halalan noong Mayo ng nakalipas na taon.
Sa naturang halalan, tinalo si Degamo ni Pryde Henry Teves na nakakuha ng 296,897 boto laban sa pinakamalapit niyang katunggaling si Degamo na mayroon lang 277,462 boto para sa posisyon ng gobernador.
Gayunpaman, binaliktad ng Comelec ang resulta ng halalan pabor kay Degamo sa bisa ng petisyon nagsulong sa diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate sa pangalang Grego Gaudia na gumamit ng alyas na Ruel Degamo bilang alyas.
Pinalitan ni Degamo si Teves na nagsilbing gobernador sa loob lang ng apat na buwan.