WALANG takot na isiniwalat ng naulilang asawa ng pinaslang na Negros Oriental Gov. Roel Degamo ang malawakang operasyon ng small-town lottery at e-sabong sa naturang lalawigan.
Ang itinuturong nasa likod – ang buong pamilya ni suspended Congressman Arnulfo Teves Jr.
Ayon kay Pamplona Mayor Janice Degamo, bukod sa nagtatagong Rep. Teves, kabilang rin aniya sa mga haligi ng mga ilegal na sugal sa naturang lalawigan ang kapatid nitong si Henry Pryde Teves na pinalitan sa pwesto ng yumaong gobernador.
Sa kanyang pagdalo sa ginanap na imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, sinabi ng biyuda ng pinaslang na gobernador na ginagamit ng pamilya Teves ang perang kinita sa mga ilegal na pasugalan para kontrolin ang buong Negros Oriental.
Kabilang aniya sa tumatanggap ng buwanang suhol ang mga tiwaling opisyal ng Philippine National Police (PNP),
“We are faced with a giant opponent [with] money fueled by e-sabong, fueled by STL, fueled by maybe illegal drugs,” sambit ni Mayor Degamo sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Bagamat pinatigil na ang operasyon ng e-sabong, ibinunyag ng alkalde na hindi saglit lang tumigil ang operasyon ng e-sabong ng pamilyang Teves sa kabila pa ng kontrobersiya hinggil sa ‘missing sabungero.’
Maging ang anak ng kongresistang suspek sa pagpatay kay Gov. Degamo, kinaladkad ng alkalde sa operasyon ng e-sabong sa Negros Oriental.
“Someone texted me na they moved it to different places. I think from Negros Oriental parang dinala na naman ng Bacolod. But very recently, someone fed me the information…sabi niya nag-abiso na yata si Kurt Matthew Teves na magi-start na sila na ituloy yung kanilang e-sabong,” aniya.
“It is public knowledge in Negros Oriental that the money of the Teveses comes from the e-sabong, STL,” dagdag pa niya.
Sinusugan naman ni Siaton Mayor Fritz Diaz ang alegasyon ni Degamo na nagsasabing ginagamit ng pamilya Teves ang gambling money para palawakin ang impluwensya sa buong probinsya.
“We have evidence, sir, na patuloy [ang e-sabong] not only in Negros Oriental but in the whole country. Palipat-lipat lang sila ng lugar,” ayon kay Diaz, kasabay ng hiling na executive session kung saan niya umano ilalantad ang iba pang impormasyon na magpapatibay sa kanilang alegasyon.
“Kaya walang na-solve na killings sa Negros Oriental because of the enforcers — not all, sir, kasi maraming mababait — pero karamihan sa mga may rank na enforcers bayad po ng mga Teves using the gambling money,” dagdag niya.
Samantala, pinabulaanan naman ni Pryde Teves ang akusasyon.
“Definitely, I’m not involved in any gaming or numbers games. In fact, I already gave a waiver to my bank secrecy and all my assets,” ani Pryde Teves
“You can check it for the last 15 years kung bigla ba akong yumaman, kung may pera bang pumasok or may nabili ba akong mga lupa na biglang hindi mo alam saan galing ang pera. Ano ang income ko? Ano ang output ko? Sino ang binabayaran ko,” giit niya.
“Kung may biglang yumaman ako in the last 15 years, then you will suspect na I’m into something that is illegal. But I can assure you, I already gave my waiver to the DOJ and they are checking my accounts in and out in the last 15 years…I can assure you none of that came from illegal activities,” paliwanag pa niya.
Gayunpaman, nanindigan si Diaz sa binitawang alegasyon. Aniya, gumagamit ng dummy accounts ang pamilya Teves sa taong malalapit sa kanila, kabilang ang kanilang abogado at campaign manager na namamahagi ng weekly payola sa mga pulis.
“May mga drastic change sa mga account ng mga people na nakapalibot [sa kanila],” ani Diaz, kasabay ng pagtukoy sa isang police captain na nagsisilbi aniyang bagman ng mga Teves.