
SA kabila ng mataas na preference rating sa mga isinagawang political survey para sa 2025 senatorial race, mas kursunada ni former President Rodrigo Duterte na tumakbong alkalde ng Davao City.
Pag-amin ng dating Pangulo, makakatambal niya sa pagtakbo bilang mayor ang kasalukuyang alkalde ng lungsod — ang anak na si Davao City Mayor Baste Duterte na bababa bilang Vice Mayor.
Nang tanungin kung bakit hindi pinili ang mas mataas na posisyon tulad ng pagiging senador, nilinaw ni Duterte na hindi na niya maaaring ipagpatuloy ang isang pambansang kampanya bunsod ng edad – sa kabila ng mga panawagan para sa kanyang pagtakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.
Nauna nang sinabi ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na tatakbo sa Senado ang nakatatandang Duterte kasama sina Sebastian at Davao City Rep. Paolo Duterte – bagay na pinabulaanan ng matandang Duterte.
“Anong gagawin namin sa Senate…Anong gagawin namin doon?” anang dating Pangulo kasabay giit na wala na siyang pondo sa pulitika matapos bumaba sa pwesto noong taong 2022.
“Wala na akong panggastos, wala na lahat. Ang naiwan sa akin siguro yabang,” ani Duterte.