INATASAN ng Department of Justice (DOJ) ang Eastern Visayas Regional Office na maglunsad ng isang malalimang imbestigasyon sa naganap na pamamaril sa loob ng isang pampublikong paaralan sa lungsod ng Tacloban.
Base sa impormasyong nakalap ng DOJ, dalawang menor de edad ang sinasabing walang habas na nagpaputok ng baril, na agad na ikinasawi ng tatlong indibidwal — bukod pa sa limang sugatan.
Ayon kay Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa mga piskal sa Region VIII para kumalap ng buong detalye sa madugong insidente sa Tacloban City.
Paglilinaw ni Martinez, katuwang ng ahensya sa isasagawang pagsisiyasat ang Tacloban City Police Office na kasalukuyang kumakalap ng impormasyon, kabilang ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at nasugatan, gayundin ng mga taong umano’y sangkot sa insidente.
Kabilang rin aniya sa uungkatin ang motibo sa likod ng pamamaril.
Batay sa inisyal na impormasyon, isinailalim na sa kustodiya ng pulisya ang dalawang menor de edad na sinasabing namaril.
“The Department will allow law enforcement authorities and the prosecutors concerned to complete their investigation, subject to all applicable safeguards under the law, especially those involving children in conflict with the law,” ani Martinez.
Ayon pa sa opisyal, maglalabas ang DOJ ng karagdagang impormasyon sa sandaling malinaw na ang mga pangyayari at maaari nang ibahagi sa publiko.
