MARIING kinondena ni Senator Mark Villar ang malagim na insidente ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City kung saan tatlo ang kumpirmadong nasawi habang agaw-buhay naman ang tatlong iba pa.
Para kay Villar, walang puwang sa anumang institusyon pang-edukasyon ang anumang anyo ng karahasan.
“Mariin kong kinokondena ang karumal-dumal at walang saysay na pamamaril na naganap sa loob ng San Jose National High School. Ang pagkawala ng mga buhay sa isang lugar na dapat ay ligtas na kanlungan ng pag-aaral at paghubog ng kinabukasan ay isang trahedyang hindi dapat mangyari,” saad sa pahayag ng senador.

“Lubos akong nakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at taimtim na ipinagdarasal ang agarang paggaling ng mga nasugatan,” dugtong ni Villar.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang pangangailangan bigyan ng agarang tulong, psychosocial support, at iba pang kinakailangang serbisyo ang mga biktima, gayundin ang kanilang pamilya, at ang buong komunidad ng paaralan na apektado ng insidente.
“Walang magulang ang dapat mangamba sa kaligtasan ng kanilang anak habang ito ay nasa paaralan. Wala ring estudyanteng dapat matakot na baka hindi siya makauwi nang ligtas matapos ang isang araw ng pag-aaral,” wika ni Villar.
“Ang ating paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar kung saan malayang makapag-aaral, makapangangarap, at makapaghahanda para sa kinabukasan ang ating mga kabataan. Ang trahedyang ito ay isang masakit na paalala na kailangan pa nating paigtingin ang ating mga hakbang upang maprotektahan ang ating mga komunidad laban sa karahasan,” dugtong pa niya.
Panawagan ni Villar, pagkakaisa at damayan sa panahon ng pagdadalamhati, kasabay ng giit sa mga angkop na hakbang para tiyakin ligtas ang bawat paaralan — pribado man o pampubliko.
“Sa gitna ng pagdadalamhati, kailangan nating magkaisa sa pagsuporta sa mga biktima at muling pagtibayin ang ating sama-samang responsibilidad na tiyaking ang bawat paaralan ay mananatiling ligtas na lugar ng pagkatuto, pag-asa, at oportunidad.”
