SA hindi sinasadyang pagkaka-aresto sa pangunahing personalidad sa likod ng pekeng appointment sa mga sensitibong pwesto sa gobyerno, maraming tanong ng nananatiling misteryo.
Sino nga ba si Edward Diokno Eje na ang pakilala sa lahat, Undersecretary sa Office of the President? Saan ba siya humuhugot ng lakas ng loob sa mahabang talaan ng panloloko sa mga negosyante at mga naghahangad maupo sa gobyerno.
Ang totoo, matagal ng matunog ang pangalan ng damuhong si Eje na kapatid ng isang dating Undersecretary sa Department of Transportation na noo’y pinamumunuan pa ni Art Tugade.
Sa ilalim ng nagdaang administrasyon nagsimulang pumutok ang pangalan ni Eje na ang pakilala sa mga nakakausap – repapips ni Paolo Duterte. Pwedeng totoo, pwedeng hindi. Pero kung ang pagbabatayan ang mga larawan sa social media, hindi maitatanggi na silang dalawa ay magkakilala.
Sa husay ng kanyang bokada, marami ang naniniwala. Kaya ang resulta, naging takbuhan ng mga negosyanteng nais makasungkit ng malinamnam na kontrata – infrastructure projects, procurement deals at maging mga permit at prangkisa… lahat yan kayang-kaya daw niya.
Sa madaling salita, facilitator daw siya.
Bakit nga naman hindi ka maniniwala kung sa mga taong binabanggit ihaharap ka niya. Isa sa mga nadagit ni Eje ang isang grupo ng negosyanteng nais makakuha ng permiso at prangkisa sa noo’y nauusong e-bingo.
Nagawang i-harap ni Eje sa noo’y Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Alex Balutan ang mga negosyante. Ipinakilala, kinausap at pinangakuan ng resulta kapalit ang malaking halaga ng pera.
Fast forward tayo. Matapos ang ilang linggo, muling nagkita muli sina Eje – kasama ang isang Johnson Lee at ang mga negosyante. Kinuha ang pinag-usapang pera. Nangako at pagbalik, bitbit na ang kopya ng e-bingo permit at prangkisa.
Ilang buwan ang lumipas, nagkaroon ng balasahan. Laglag si Balutan, pero okay lang naman dahil hawak na nila ang permit at prangkisa.
Ang masaklap, pag-upo ni Royina Garma na humalili kay Balutan nadiskubreng wala sa database ang permit ang prangkisang binayaran nila ng tumataginting na P260 milyong personal pang tinanggap mismo ni Eje.
Muling kinausap si Eje para ayusin ang gusot. Dinala na naman sila sa Office of the General Manager kung saan sila pinayuhang ulitin na lang ang buong proseso. In short, wala na ang P260 milyon.
Sa pagnanais na makabawi, pumayag ang grupo ng mga negosyante. Naglabas ng P40 milyong paunang bayad na muling tinanggap ni Eje. At dun nagwakas ang pangarap nilang negosyo.
Dedma na sila kay Eje. Ang mga negosyante walang nagawa. Dangan naman kasi, may utol na Usec, repapips pa ng anak ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa muli nating huntahan, ilalahad ko naman ang kwento ng iba pang biktima. Kita-kits ha.