HINDI umubra ang angas ng dalawang umano’y miyembro ng gun-for-hire group matapos masawi sa umaatikabong engkwentro laban sa mga pulis probinsya.
Sa ulat na isinumite ng mga operatiba kay Quezon Provincial Police Office director Col. Romulo Albacea, nangyari ang insidete sa Barangay Sumilang, sa bayan ng Calauag, Quezon.
Ayon kay Albacea, target sana ng buy-bust operation ang mga suspek na aniya’y lulan ng isang AUV.
Subalit pagdating sa Barangay Sumilang, agad na pinutukan ng mga suspek ang mga pulis, sabay harurot ng sasakyan. Sa habulan, nagpatuloy ang palitan ng putok hanggang sa tamaan ang isa sa mga suspek. Timbuwang naman sa gilid ng kalsada ang ang isa pa.
Walang nasaktan o nasugatan man lang sa hanay ng mga pulis.
Sa backtracking ng lokal na pulisya sa mga namatay na suspek, lumalabas na kapwa sangkot ang dalawang indibidwal sa iba’t ibang krimen at pagpatay sa Candelaria, Quezon.
