AGAD na bumuo ng Special Investigation Task Group ang Police Regional Office 3 kaugnay ng umano’y pagnanakaw ng limang pulis sa isang kontraktor sa Porac, Pampanga.
Sa isang panayam, inihayag ni PRO 3 Regional Director Brig. Gen. Rogelio Peñones ang pagsibak sa mga hindi pinangalanang pulis na pinaniniwalaang sangkot sa naturang insidente. Inilagay na rin aniya sa restrictive custody ang mga suspek.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Porac Police, nilooban ng apat na lalaking nakasuot ng bonet ang bahay ng isang kontrarista. Pagpasok sa bahay, ikinulong sa banyo ang negosyante kasama ang bisita habang isinasagawa ng mga suspek ang pagnanakaw.
Batay sa sumbong ng hindi pinangalanang kontratista, hindi bababa sa P14 milyong ang ninakaw na pera.
Lumalabas din sa imbestigasyon ang posibleng pagkakasangkot ng mga pulis sa pagnanakaw sa Angeles City kamakailan.
Kabilang sa mga mga sinuspinde at nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ang isang koronel, isang police major, isang staff sergeant at dalawang iba pa.
Sa kalagitnaan ng imbestigasyon, nabisto rin na tatlo sa limang suspek ang dati nang nasangkot sa robbery extortion. (EDWIN MORENO)
