TUMATAGINTING na P80-milyong halaga ng droga ang nakumpiska ng lokal na pulisya sa iba’t ibang lokalidad sa lalawigan ng Rizal sa nakalipas na limang buwan, ayon kay provincial police chief Col. Feleteo Gonzalgo.
Sa ulat ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) kay Gov. Nina Ricci Ynares, ibinida rin ni Gonzalgo ang pag-aresto sa hindi bababa sa 1,000 indibidwal na pasok sa kategorya ng “most wanted.”
Sa bisa ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, mas pinaigting din ang operasyon para tiyakin ang payapa at maayos na pagdiriwang ng Pasko.
Katunayan aniya, kabi-kabilang operasyon ang isinagawa ng lokal na pulisya kung saan nakasamsam ng mga baril at droga, kasabay ng garantiya sa mabilis na responde ng Rizal PNP sa bisa ng mabilis na koordinasyon at komunikasyon gamit ang makabagong teknolohiya. (EDWIN MORENO)
