KINILALA ng National Police Commission (Napolcom) at Calabarzon-4A PNP – sa ika-122 police service anniversary sa Camp Vicente, Lim, Calamba City – ang lokal na pamahalaan ng Luisiana at police station dahil sa pinaigting na kampanya kontra droga.
Ginawaran din ng plake ng pagkilala sina Mayor Jomapher Uy Alvarez at Chief of Police Maj. Glenn DR Cuevas dahil sa walang humpay na trabaho laban sa droga.
Mismong sina PRO4A-Regional Director BGen. Carlito Gaces at PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr . ang naggawad ng plake sa hepe at alkalde ng bayan.
Kasunod nito, pinagkalooban din ng Certificate of Commendation sina Atty. Mia Antonette M. Quijano at Laguna PNP Provincial Director Col. Harold Depositar sa ginanap na 29th Crime Prevention Week sa Camp Paciano Rizal, Sta. Cruz, Laguna.
Sinabi ni Alvarez na ang magandang samahan at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at kapulisan, kasama ang advocacy support group, ay lubos na nakatutulong at nagbibigay inspirasyon upang maipagpatuloy ang pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng serbisyo sa komunidad at bayan ng Luisiana.