SINUSPINDE ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang programang pagbebenta ng bigas sa mahihirap sa halagang P20 kada kilo, isang araw matapos ang implementasyon.
Ito umano ay matapos lumobo ang mga ‘mahihirap’ sa lugar na dumagsa sa mga pop-up shops, kabilang ang Kadiwa store.
Mula sa 199,000 benepisaryong mahihirap ay pumalo umano sa 300,000 ang nagpapakilalang kapos sa buhay.
Sa ilalim ng umiiral nabatas, mandato ng mga local government units (LGU) na tukuyin ang mga indigent o mahihirap na pamilya sa nasasakupan para sa implementasyon ng mga programa ng pamahalaan — kabilang ang pag-aalok ng abot-kayang pagkain tulad ng bigas.
Ang mga benepisaryo ay maaaring bumili ng hanggang limang kilo ng bigas kada linggo.
Sinabi ni Garcia na iinspeksiyunin muli ang talaan ng mga kwalipikadong benepisaryo bago muling ibalik ang pagbebenta ng bigas sa susunod na linggo.
Aniya pa, pinag-aaralan na ang posibilidad para sa direktang pag-angkat ng bigas sa ibang mga bansa upang punan ang pangangailangan sa bentahan ng murang bigas na sinu-supply ng National Food Authority (NFA).
Naglaan ang provincial government ng pondo na umaabot sa P100 million para sa programa kung saan ang bigas ay nagmumula sa NFA.