![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2024/12/protesta-kontra-demolisyon-1024x506.jpg)
PAGKATAPOS pakinabangan noong nakaraang halalan, pinalayas na lang kami sa aming mga tahanan kahit walang kautusan ula sa hukuman.
Ito ang buod ng mensahe ng mga lider ng iba’t ibang grupo sa anila’y “summary demolition at eviction” ng humigit kumulang 5,000 pamilyang nakatira sa Sitio Siwang, at Purok Lumang Ilog, Barangay San Juan sa bayan ng Taytay, lalawigan ng Rizal.
Sa kilos protestang isinagawa ng mga miyembro ng Nagkaisang Samahang Pangkabuhayan ng mga Filipino Muslim – Kristiyano, United Muslim Christian Brotherhood Farmers, Buklod Pagkakaisa Ng Muslim Christian Inc at Anas Masjid, kinondena ang di umano’y sabwatan sa pagitan ng kapitalista at ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Allan de Leon.
Partikular na tinukoy ng mga residente ang di umano’y pwersahang demolisyon ng hindi bababa sa 500 kabahayan sa kasagsagan pa man din anila ng hagupit ng bagyong Kristine noong nakalipas na buwan.
“Dapat isinaisip man lang ni mayor ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng peligro, sa halip na itulak ang ilegal na demolisyon para pagbigyan ang hiling ng isang kapitalista,” wika ni Datu Matz Pangulima na tumatayong tagapagsalita ng mga apektadong residente.
Higit pa aniya sa masamang panahon dulot ng bagyong Kristine, hindi rin umano dapat pinahintulutan ni de Leon ang paggiba ng mga bahay sa kabila ng kawalan ng demolition order mula sa korte.
“Malinaw na walang puso ang mayor namin… walang piniling oras. Nasa bingit na kami ng peligro pero sa halip na protektahan, ginamit pang paraan ang mandatory evacuation para isagawa ang demolisyon,” dugtong ni Pangulima.
Giit Pangulima, ilegal at marahas ang demolisyong aniya’y malinaw na paglabag sa Republic Act 7279 (Urban Development and Housing Act) nakasaad ang obligasyon ng lokal na pamahalaan isulong ang karapatan ng mga residenteng nasasakupan sa programang pabahay ng gobyerno.
Ayon naman sa isang residente, hindi ilegal ang kanilang pagtatayo ng bahay sa Sitio Siwang. Katunayan anang residenteng nakiusap na huwag banggitin ang pangalan, pinagbayad sila ng mga tauhan ng barangay San Juan ng P30,000 para sa 50 metro kwadradong lupa.
Lumagda rin aniya si de Leon sa isang kasunduan kung saan kinikilala ang legalidad ng paninirahan ng mga mamamayan sa Sitio Siwang at Purok Lumang Ilog.
Bago pa man isinagawa ang demolisyon, idineklara ng Sangguniang Bayan ng Taytay sa bisa ng isang resolusyon, na pawang squatter ang nakatira sa Sitio Siwang at Purok Lumang Ilog — bagay na inalmahan ng “council of elders” ng Muslim community.
Paratang ng mga miyembro ng tinaguriang “council of elders,” nakipag sabwatan anila si de Leon sa isang nagngangalang Josie Bazar kapalit ng P10 milyon.
Wala pang pahayag ang lokal na pamahalaan hinggil sa paratang ng mga nawalan ng tahanan.